Itinatag noong Hulyo 9 sa Davao City ang isang malawak na alyansa ang mga organisasyon ng kabataan, konseho ng mag-aaral, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Mindanao upang labanan ang tumitinding pampulitikang pag-uusig, red-tagging, at marahas na panggigipit sa ilalim ng reaksyunaryong rehimen. Binuo nila ang alyansang Hands Off Mindanao Youth Activists Network.

Inilarawan ng kabataan ang bagong alyansa bilang isang “masuklanong pagtubag” o kolektibong paglaban ng sektor. Binuo ang alyansa kasunod ng insidente noong Mayo 27, kung saan naglabas ng “wanted poster” ang Philippine National Police Cateel Municipal Police Station sa Facebook page nito na naglalaman ng mga pangalan ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao, na karamihan ay kabataan. Ibinilang ng pulis sa listahan na ito ang mga mag-aaral at alumni ng University of the Philippines (UP) Mindanao at lider ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan. Walang anumang pormal na kaso, sakdal, o mandamyento na natanggap ang mga biktima, at nalaman na lamang ang post sa pamamagitan ng kanilang mga kasamahan. Bagamat tinanggal din ang post kinalaunan, lumikha ito ng banta sa seguridad at kaligtasan sa mga pinangalanan, kanilang mga pamilya at organisasyon.

“Ang pagtatatag ng Hands Off Mindanao Youth Activists Network ay isang deklarasyon na ang kabataan ay patuloy na magkakaisa sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan, komunidad, at kinabukasan,” ani Allyssa Ancheta, lead convenor ng alyansa. “Kinakatawan nito ang ating masuklanong pagtubag o ang ating mapagpasya at kolektibong tugon sa karahasan at paniniil na naglalayong patahimikin tayo.”

Ayon sa alyansa, hindi isang hiwalay na “pagkakamali” ang Red-tagging ng pulis ng Cateel kundi bahagi ng mas malawak at sistematikong atake ng rehimen para patahimikin ang mga kritiko, lider-estudyante, tagapagtanggol ng kalikasan, at mga magsasaka sa rehiyon. Anito, ginagamit ng estado ang mga umiiral na mga patakaran sa seguridad para ituring na banta sa pambansang seguridad ang lehitimong pagpapahayag ng saloobin ng mamamayan.

Hindi natapos sa insidente sa Cateel ang serye ng panggigipit. Noong Hulyo 13, nakita ang mga poster at flyer na nangre-redtag sa mga progresibong grupo sa paligid ng mga pangunahing unibersidad sa Davao City, kabilang ang University of Southeastern Philippines (USeP) – Obrero. Ang mga mapanirang materyales ay may lagda ng “Davao Youth Alliance Against Terrorism,” isang kahina-hinalang grupo na bigla na lamang sumulpot na walang kilalang myembro o upisyal na aktibidad sa internet.

Mariing kinundena ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co ang insidente. Tinawag niyang maruming taktika ng estado ang pananakot at black propaganda, at pagwawaldas sa pondong dapat nakalaan sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa kabataan. Iginiit naman ng Kabataan Partylist Southern Mindanao Region na ang ganitong mga atake ay direktang banta sa karapatang-tao at buhay ng mga kabataang lumalaban sa korapsyon ng pamahalaan.

“Hindi ito nahihiwalay na kaso,” pahayag ng grupo. “Bahagi ang ganitong serye ng pang-aatake sa kampanya ng pasistang estado para siraan ang mga party-list ng mamamayan at mga progresibong organisasyon sa pamamagitan ng pagbansag sa kanila bilang terorista. Lalo nitong ipinapakita ang kultura ng paghahasik ng takot sa mamamayan para iwasan ang kanilang pagpapahayag ng pagtutol, gayundin ang pagbibigay-katwiran sa matinding paniniktik at panggigipit.”

Nanindigan ang kabataan na hindi sila magpapatakot sa kabila ng banta sa kanilang buhay. Nanawagan sila sa mga institusyong pang-akademiko, simbahan, at sa malawak na publiko na makiisa sa pagtatanggol sa karapatang-tao, kalayaang sibil, at paggigiit ng demokratikong espasyo sa bansa.

The post Mga kabataang aktibista sa Mindanao, kolektibong lumalaban sa pulitikal na panggigipit at Red-tagging appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.