Kinutya ng National Demcoratic Front (NDF)-Eastern Visayas ang proklamasyon kamakailan ng 8th ID na ang Northern Samar diumano ay insurgency-free na at nakapailalim na ito sa kategoryang Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC).
“Recycled” na kalokohan ang deklarasyon, ayon kay Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas sa isang pahayag noong Hulyo 7. Idineklara na rin ng militar ang prubinsya na wala nang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan noong 2015, at muli noong 2016. Sa kabila nito, patuloy na hinahalihaw ng daan-daang tropa ng AFP ang mga baryo nito.
“Ang militar na mismo ang nagpapatunay na arbitraryo, hungkag, at walang kongretong batayan ang mga deklarasyong ito,” aniya. Pinansin ni Manlimbasog na dumarami ang ganitong mga proklamasyon habang papalapit ang ikalimang state of the nation address o SONA ni Ferdinand Marcos Jr. Matatandaang idineklara ni Marcos na “wala nang grupong gerilya” sa ika-apat niyang SONA noong nakaraang taon.
“Nagsisilbi lamang ang mga deklarasyong SIPSC sa naghaharing uri,” ayon kay Manlimbasog. “Layunin nitong engganyuhin ang lokal at dayuhang mga kapitalista na dambungin ang likas na yaman sa kapinsalaan ng kapaligiran at kabuhayan ng mga residente.”
Kabilang sa mga mapanirang proyektong gustong ipasok sa rehiyon ang San Isidro Wind Project, offshore wind farm sa Bobon, Mondragon, San Roque, Pambujan, Laoang, at Catarman, pati na ang tidal energy plant sa Capul. Nariyan din ang Samar Unity Roads na tatagos sa tatlong bayan at magpapadali sa pagkawasak ng Samar Island Natural Park, ang kinikilalang pinakamalaking contiguous o magkakadikit na “old growth forest” sa buong bansa. Sa bayan ng Bonbon, may inilaang 5,000 ektaryang lupang pang-agrikultura para sa produksyon ng pang-eksport na niyog.
“Ang ‘SIPSC’ ay kapayapaan lamang para sa mga kapitalista at mandarambong,” ayon kay Manlimbasog. “Para sa mga pinagsasamantalahan, gutom, at inapi, wala itong iba kundi huwad na kapayapaan.”
Kaya naman patuloy na sinusuportahan ng mamamayan ng Samar ang Bagong Hukbong Bayan, aniya. “Mas pipiliin nilang isulong ang digmang bayan para makamit ang tunay na kapayapaan at pag-unlad, gaano man ito kahirap at katagal, kaysa magtiwala sa isang gubyernong araw-araw silang binibigo,” aniya.
The post Deklarasyong “insurgency-free” ang Northern Samar, paulit-ulit na kalokohan ayon sa NDF-EV appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

