Pinaslang ng mga pinagsanib na pasistang tropa ng 8th IB, 1st IB, at 5th Scout Ranger Batallion (SRB) na mga yunit sa ilalim ng 203rd IBde si Anhing “Ka Oca/Korne/Jumong/Harsi” Ingayan Da-it noong Hulyo 9, sa Sityo Santo Cristo, Barangay Lourdes, Magsaysay, Occidental Mindoro.
Nagmamaniobra ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kinabibilangan ni Ka Oca nang mapalaban. Kaagad na nakaganting putok ang mga Pulang mandirigma. Epektibong nakapagdepensa ang yunit ng BHB sa harap ng higit na mas malakas at mas malaking bilang ng pasistang tropa.
Buhay nang madakip ng nag-ooperasyong tropa ng 203rd Bde si Ka Oca matapos na tamaan ito sa hita. Sa halip na arestuhin at gamutin, tinuluyan siyang pinatay sa kabila nang wala na siya sa katayuang lumaban. Malinaw na paglabag ito sa internasyunal na makataong batas.
Nasa bayan ng Magsaysay ang yunit ni Ka Oca upang magsagawa ng pagsisiyasat at konsultasyon sa kalagayan ng mga magsasaka ng palay at sibuyas.
Si Ka Oca/ Korne/Jumong/Harsi ay isang mahusay at batikang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at mandirigma ng BHB-Mindoro. Siya ay nagmula sa angkan ng katutubong Mangyan-Hanunuo na kumilos mula pa noong 1990s. Buong-puso siyang naglingkod ng ilang dekada hindi lamang sa hanay ng katutubong Mangyan kundi maging sa buong Mindoreño at sambayanang Pilipino.
“Ang kabuluhan ng kanyang pagkamartir ay mas mabigat sa Bundok Naapog,” pahayag ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng NPA-Mindoro, Lucio De Guzman Command. Nakatahi sa buhay at pakikibaka ni Ka Oca ang mga tagumpay sa mga okupasyon sa lupa na nakilala ng masa sa timog Mindoro bilang mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, aniya.
Kasama si Ka Osa sa mga kahirapan at sakripisyo sa pagtatanggol laban sa mga oplan ng AFP-PNP, ayon sa NPA-Mindoro. Naging mandirigma siya mula Oplan Habol Tamaraw ng berdugong si Palparan hanggang sa focused and sustained military operation sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development ng pasista, papet, pahirap at korap na Marcos Jr.
“Ibinigay niya ang pinakamataas na pagsasakripisyo ng tanging buhay para sa pagtatanggol ng mga katutubong Mangyan, mamamayang Mindoreño at sa buong sambayanan,” ayon kay Ka Madaay.
Nagpahayag din pagpupugay si Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog kay Ka Oca.
“Dapat sundan ng mga salinlahi ng katutubong Mangyan at Mindoreño ang yapak ni Ka Oca na walang pag-iimbot na inialay ang kanyang buhay upang itaguyod ang rebolusyonaryong mga adhikain at mag-ambag para likhain ang isang lipunang pakikinabangan ng kanyang mga kalahi, uri at susunod pang henerasyon ng salinlahing Pilipino,” pahayag ni Ka Cleo.
The post Sugatang mandirigma sa Mindoro, sadyang pinaslang ng tropa ng 203rd Ibde appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

