Nagprotesta ang mga patriyotikong grupo at sektor sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa embahada ng US noong Hulyo 13 para batikusin ang tinawag nilang “aktwal na banta” sa pambansang soberanya ng imperyalismong US sa Pilipinas. Ayon sa Pamalakaya, ang pagkilos ay bahagi ng komemorasyon sa ika-10 taong anibersaryo ng arbitral tribunal ruling kaugnay ng West Philippine Sea (WPS) noong Hulyo 12.

Anang grupo, kaiba sa mga “state-sponsored” na komemorasyon sa tagumpay ng arbitral ruling ay hindi ito nakasentro lamang sa pagbatikos sa China bilang tanging lumalabag sa karapatang maritime ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ). Idiniin ng grupo na sa aktwal ay ang US at ang mga alyado nito ang “malinaw at kasalukuyang banta” sa pambansang seguridad at soberanya ng Pilipinas.

Ayon sa Pamalakaya, pinakabagong banta ng US ang itatayong 1,619-ektaryang economic security zone sa balangkas ng inisyatibang Pax Silica. Ang sona ay itatayo sa New Clark City sa Tarlac at Pampanga na tuturing ito bilang “AI-native industrial acceleration hub.”

“Isang dekada matapos ang tribunal ruling, nahaharap tayo sa mas malaki at mas kagyat na banta sa pambansang soberanya at integridad ng teritoryo–ang direktang interbensyong militar ng US,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. Dagdag niya, sa tabing ng ekonomikong sona ay harap-harapang itinatayo ang mga pasilidad at instalasyon ng US sa bansa, kasabwat ang rehimeng Marcos.

Maliban rito, binatikos rin ng Pamalakaya ang “rehabilitasyon” ng US sa Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite City. Ang paliparan ay nasa bunganga ng Manila Bay at may direktang ruta patungo sa South China Sea. Magsisilbi itong base militar ng US at gagawing bahagi ng inilalatag na Luzon Economic Corridor.

“Katulad ng pagtatayo ng mga pasilidad-militar sa hindi bababa sa siyam na EDCA sites sa buong bansa, layunin ng US na maglagay sa ating sibilyang paliparan ng isang forward operating base para sa kanilang adyenda sa heyopulitika,” pahayag ni Richard Catenza, pangulo ng Pamalakaya-Cavite. Aniya, nagbabahala ang mga mangingisda na ang pagtatayo ng pasilidad militar sa Manila Bay ay makahahadlang sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Cavite, Bataan, at National Capital Region.

Nakiisa rin sa pagkilos sa embahada ng US ang progresibong partido ng mga maralita na Anakpawis Party-list, bahagi ng Koalisyong Makabayan. Nanawagan ito sa rehimeng Marcos na umatras ang gubyerno sa mga kasunduang ito sa US na nagsasapanganib sa mga Pilipino dahil sa pagpapaigting sa tensyon ng imperyalistang gera kontra China.

“Hindi haka-haka kung magpahayag kami ng pangamba na ang mga pasilidad na ito ay posibleng maging target ng mga kalabang bansa ng US sa oras ng aktwal na armadong salpukan. Ilalagay nito sa panganib ang mga sibilyang komunidad at imprastraktura,” pahayag ni Glo Fernandez, koordineytor ng partido.

Kontra-China, maka-US na naratibo

Noong Hulyo 12, nagpakana ang rehimeng Marcos sa pangunguna ng Amboy na si Department of National Defense Sec. Gibo Teodoro ng enggrandeng mga paggunita sa bansa sa anibersaryo ng desisyon. Sa layuning udyukan ang patriyotikong damdamin ng mga Pilipino, isinasangkalan nito ang pusisyong kontra-China para pabanguhin ang pangalan ng imperyalismong US at pumanig dito bilang amo ng tutang rehimeng Marcos.

Pinaka-aktibong lumahok sa mga huwad na patriyotikong aktibidad na ito ang Atin Ito Coalition ng maka-US na Akbayan Party-list. Bahagi ang koalisyon ng martsa sa Palawan sa pangunguna ng lokal na gubyerno ng prubinsya. Habang binabatikos ng koalisyon ang China, nagbubulag-bulagan naman ito at hindi nagsasalita laban sa direktang presensya ng tropang Amerikano at mga war games nito sa Palawan at iba pang bahagi ng Pilipinas.

Nagpakana rin ang Atin Ito Coalition ng kauna-unahang pampublikong monumento sa Quezon City na “nakalaan para sa mga mangingisdang Pilipino na nagtatanggol sa bansa at mga karapatan sa WPS.” Puring-puri ng koalisyon ang mga mangingisda para sa umano’y pagtindig sa China, ngunit walang suporta sa tinig ng mga mangingisdang tutol sa war games ng US na nagpapatigil sa kanilang pagpalaot dahil sa “fishing ban.”

The post Grupo ng mangingisda, nanguna sa protesta sa embahada ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.