Naganap ang isang labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at pasistang tropa ng 1st IBPA, 68th IBPA at 5th Scout Ranger Battalion bandang alas-7 ng gabi noong Hulyo 9 sa Brgy. Lourdes, Magsaysay, Occidental Mindoro. Naroon ang naturang yunit ng NPA upang magsisiyasat at tulungan ang masang magsasaka sa kanilang problema sa lupa at magbigay ng serbisyo.

Sa proseso ng pakikipaglaban sa kaaway, namartir si Anhing “Ka Oca/Korne/Jumong/Harsi” Ingayan Da-it habang magiting na nakikipaglaban sa pasistang tropa. Pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA ST at ng buong nakikibakang mamamayan ng Timog Katagalugan kay Ka Oca na nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa katutubong Mangyan at masang Mindoreño.

Hayok-sa-dugong nanghahalihaw ang mga mersenaryong tropa ng 203rd IBde na nagnanasang durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro. Nais nilang pipilan ang lumalakas na paglaban ng mga magsasaka at Mangyan na nakikipagkapitbisig sa NPA para wakasan ang kahirapan at kumawala sa karahasan mula sa kamay ng ganid at mapagsamantalang estado.

Taliwas sa mga pahayag ng 203rd IBde at iba pang mga pormasyon ng AFP-PNP, suklam na suklam ang mamamayan sa buong isla sa presensya ng talay-talay na mga kampo ng berdugong militar sa mga kabundukan, kailugan at kapatagan na namemerwisyo nang kainaman sa buhay at kabuhayan ng masang anakpawis. Magkakambal na dagok ang militarisasyon at pagkalugmok ng sektor ng agrikultura partikular sa hanay ng mga magsisibuyas at magpapalay sa Magsaysay. Dumaraing sa sobrang kahirapan ang masang magsasaka sa baba ng presyo sa farmgate ng kanilang produkto. Hindi na makaapuhap ang mamamayan sa pagkapako ng halaga ng kanilang produkto na umaabot na lang sa pagkabulok dahil sa sobrang barat ng presyo na tinatalo ng pagbaha ng importasyon ng bigas at sibuyas sa pahintulot ng rehimeng US-Marcos II.

Sa nakaraang dalawang taon, halos patayin na ang kabuhayan ng mga magsisibuyas sa pagbulusok ng produksyon nito mula 83,000 metriko tonelada (MT) (2023) tungong 7,000 MT (2025) dahil sa pagkalugi dulot ng baha ng imported na sibuyas. Nakakaiyak ang pagbaba ng presyo ng sibuyas na mula sa ₱120-150/kilo noong Enero ay pumalo na lamang sa ₱17-35/kilo nitong Marso, sa pinakamalala ay ₱7/kilo.

Ito ang ipinagbubulag-bulagan at ipinagbingi-bingihan ng inutil at walang pusong rehimen ni Marcos Jr. Malaon nang panawagan ng mga magsisibuyas sa lokal na gubyerno ang subsidyo, ayuda at pagtataas ng presyo ng kanilang kalakal sa farmgate ngunit imbes na serbisyo at tulong, militarisasyon ang sagot ng mga ito para patahimikin ang kanilang paglaban.

Ang mersenaryong AFP ang mabangis na instrumento ng reaksyunaryong gubyerno para panatilihin ang di makatwirang kaayusan sa ekonomya ng Pilipinas na inihulma ng malakolonyal at malapyudal na sistema na umiiral para bundatin ang imperyalismong US at mga lokal na naghaharing-uri. Tinatapatan ng dahas at panunupil ng estado ang makatarungang paglaban ng mamamayan para sa kanilang kabuhayan at karapatan. Ang AFP-PNP-CAFGU ang bayarang goons ng malalaking mga dayuhang korporasyon at lokal na malalaking burgesya ng mina, dam at renewable energy projects na sumisira sa mga lupaing ninuno at nagtataboy sa libu-libong residenteng Mangyan at magsasakang Mindoreño.

Malaon nang nakikipagkapitbisig ang masang Mindoreño at katutubong Mangyan sa NPA dahil alam nilang walang ibang tunay na naglilingkod sa kanila na pinatunayan na sa kasaysayan. Ang libu-libong ekta-ektaryang lupaing hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng kasalukuyang henerasyon ay pinagbuwisan ng buhay ng mga Pulang mandirigma at kumander, maging ng mga masang magsasaka at katutubong Mangyan na lumahok at nagsulong ng digmang bayan sa matabang lupa ng isla.

Dapat sundan ng mga salinlahi ng katutubong Mangyan at Mindoreño ang yapak ni Ka Oca na walang pag-iimbot na inialay ang kanyang buhay upang itaguyod ang rebolusyonaryong mga adhikain at mag-ambag para likhain ang isang lipunang pakikinabangan ng kanyang mga kalahi, uri at susunod pang henerasyon ng salinlahing Pilipino.

Yakapin ang hamon ng panahon: mag-aklas at makibaka para ibagsak ang sistemang salot sa lipunang ipinagtatanggol ng mga berdugong AFP-PNP sa kumpas ng sagad sa tutang si Marcos Jr. Maramihang sumapi ang lahat ng api at pinagsasamantalahang uri sa BHB na handang humarap sa ngipin-sa-ngiping pakikihamok upang ibunsod ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

The post Kahirapan at kaapihan sa Magsaysay, matabang lupa para sa armadong pakikibaka appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.