Noong ika-9 ng Hulyo, sa Sityo Santo Cristo, Barangay Lourdes, Magsaysay, Occidental Mindoro, naganap ang magiting na pakikipaglaban ng yunit ni Ka Oca/Korne laban sa pinagsanib na pasistang tropa ng 68th Infantry Batallion (IB), 1st IB, at 5th Scout Ranger Batallion (SRB) na mga yunit sa ilalim ng 203rd Bde.
Nagmamaniobra ang yunit ng NPA na kinabibilangan ni Ka Oca nang mapalaban sa umaatakeng pasistang pwersa. Kaagad na nakaganting putok ang mga Pulang mandirigma. Sa kabila ng maliit na bilang, epektibong nakapagdepensa ang yunit ng NPA sa harap ng higit na mas malakas at mas malaking bilang ng pasistang tropa.
Namartir sa naganap na labanan si Anhing “Ka Oca/Korne/Jumong/Harsi” Ingayan Da-it, mahusay at batikang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM at mandirigma ng NPA-Mindoro. Siya ay nagmula sa etnoliguistikong grupo ng katutubong Mangyan-Hanunuo na kumilos mula pa noong 1990s. Buong-puso siyang naglingkod ng ilang dekada hindi lamang sa hanay ng mga katutubong Mangyan kundi maging sa buong Mindoreño at sambayanang Pilipino. Ang kabuluhan ng kanyang pagkamartir ay mas mabigat sa Bundok Naapog. Nakatahi sa buhay at pakikibaka ni Ka Oca ang mga tagumpay sa mga okupasyon sa lupa na nakilala ng masa sa timog Mindoro bilang mga tagumpay sa Rebolusyong Agraryo. Kasama siya sa mga kahirapan at sakripisyo sa pagtatanggol laban sa mga oplan ng AFP-PNP at matingkad dito ang pagtatanggol sa ilalim ng Oplan Habol Tamaraw ng berdugong si Palparan hanggang nitong panahon ni Duterte. At ngayon ibinigay niya ang pinakamataas na pagsasakripisyo ng tanging buhay para sa pagtatanggol ng mga katutubong Mangyan, mamamayang Mindoreño at sa buong sambayanan sa harap ng focused and sustained military operation (FSMO) sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng pasista, papet, pahirap at korap na Marcos Jr.
Buhay na nahawakan ng nag-ooperasyong tropa ng 203rd Bde si Ka Oca matapos na tamaan ito sa hita. Pero tulad ng nakagawian ng mga berdugong tropang ito na paglabag sa internasyunal na makataong batas, tinuluyan siyang pinatay sa kabila ng pagiging hors de combat.
Nasa bayan ng Magsaysay ang yunit ni Ka Oca upang magsagawa ng pagsisiyasat at konsultasyon sa kalagayan ng mga magsasaka ng palay at sibuyas. Nasaksihan ngayong taon ang pagsalanta sa kabuhayan ng mga magsasaka lalo na sa Occidental Mindoro nang bumagsak ang farm gate price ng sibuyas. Malala din ang pagkalugi ng mga magsasaka ng palay. Wala namang kongkretong tugon dito ang gobyerno ni Marcos Jr. Sa halip na suporta sa produksyon, inaprubahan pa ng rehimeng Marcos Jr. ang importasyon ng sibuyas sa panahong anihan na sa bansa ng nasabing produkto. Ganito rin ang nangyayari sa mga pananim tulad ng palay at iba pang agrikultural na produkto, na hinahayaang kompetensyahin ng import ang lokal na produksyon kung kaya nalulugmok sa pagkalugi ang mga magsasaka sa Mindoro at sa iba pang bahagi ng bansa. Katunayan, patuloy na top importer ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo.
Ngayon naman matinding tagtuyot ang kinakaharap ng mga magsasaka habang may mga mananalasang malalakas na bagyo tulad ngayon na may bagyong “Inday”. Hanggang baywang na ang baha sa ilang baranggay ng Magsaysay. Tiyak na ganito din ang sinasapit ng iba pang bayan sa isla ng Mindoro.
Asahan nang gagamitin na dahilan ang tagtuyot at mga kalamidad para mag-import ng lahat na klase ng agrikultural na produkto. Sa halip na tugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan sa produksyon at lalo na ang problema sa kawalan ng lupa ng mas nakararaming magsasaka mauuwi na naman sa palyatibong hakbang tulad ng pamamahagi ng kakarampot na ayuda. Kikita ang mga kasapakat ni Marcos, kabilang na ang mga malalaking negosyanteng mga panginoong may lupa (PML), malalaking burgesya kumprador (MBK) at mga mga burukrata-kapitalista habang naghihirap ang mamamayan at bangkarote ang ekonomiya. Itutulak nito sa mas malalim na kumunoy ng malubhang kagutuman, karalitaan at kawalan ng panlipunang hustisya. Papataw ang mas malulupit na karahasan, FSMO at MCSP-ECLIP. Dadahasin, lalansihin at lilinlangin ang taumbayan na nagpupumiglas sa gapos ng pagsasamantala at kaapihan. Nasa likod nito ang madumi at duguang kamay ng imperyalistang US. Ito ang larawan na nagpapakita kung bakit nagaganap ang armadong tunggalian sa pagitan ng NPA na Hukbo ng mahihirap at ng pasistang AFP-PNP na haligi ng mapang aping sistemang ito.
Dapat nating dakilain at sundan ang landas ng rebolusyonaryong buhay na tinahak ni Ka Oca. Ang landas na ito ang tunay na landas para sa aping mamamayan, ang landas para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Nanawagan ang LDGC-NPA-Mindoro na magkaisa ang lahat ng demokratikong uri at sektor sa ilalim ng bandila ng pambansa demokratikong programa na inihahapag ng CPP-NPA-NDFP. Palakasin natin ang hanay ng mga mahihirap lalo na ng magsasaka at manggagawa upang maging solido ang paglaban at ibagsak ang naghaharing rehimeng ngayon ay nasa kamay ng mga Marcos at Duterte. Napakainam ng sitwasyon na sa gitna ng bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri (Marcos Jr. vs Duterte) ay isulong ang mga lehitimong kahilingan ng uring magsasaka at manggagawa, palahukin at kunin ang suporta ng mga panggitnang uri ng petiburgesya at hamigin ng mga pambansang burgesya (o lokal na mga negosyante) upang mabuo ang nagkakaisang hanay ng paglaban sa naghaharing uri.
Sa mga kapwa Mindoreño, pagmarkahin natin ang matibay na ambag sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Nasa ating mga kamay ang pagsulong at tagumpay ng laban na ito. Magpunyagi tayo at magpakahusay, magpakatatag sa gitna ng umiigting na makauring tunggalian sa bansa. Tumulong tayo sa pagpapalakas ng hanay ng mahihirap, api at pinagsasamantalahan. Magpaorganisa at kumilos sa inyong mga lugar upang sama-samang lutasin ang mga lehitimong kahilingan ng inyong uri at sektor at bigkisin tayo ng programa sa pambansang demokratikong rebolusyon. Magpunyagi tayo sa landas ng armadong pakikibaka sukdulang magsakripisyo dahil ito ang makatarungan, pinakademokratiko at mapagpalaya. Sa ganitong paraan lamang maitatayo ang isang demokratikong gobyernong bayan na magpapatupad ng patakaran at programa para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, kaakibat ng pagsusulong at pagsasakatuparan ng tunay na interes na bansa at mamamayan.
Mabuhay ang dakilang buhay at pakikibaka ni Ka Oca!
Mabuhay ang NPA – ang tunay na hukbo ng masang Mindoreño at buong sambayanang Pilipino!
Mga mabubuting anak ng bayan, sumapi sa NPA!
Labanan ang pasistang AFP at PNP!
Ibagsak ang rehimeng US-Marcos II!
Isulong ang digmang-bayan hanggang tagumpay!
The post Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Ka Oca! Lutasin ang krisis! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

