Nagtipon ang iba’t ibang progresibong grupo noong Sabado, Hulyo 11, sa Katipunan Street sa Barangay Tisa, Cebu City, upang gunitain ang ika-41 anibersaryo ng sapilitang pagkawala nina Fr. Rudy Romano at Levi Ybañez. Sa pagtitipon, muli nilang ipinanawagan ang hustisya para sa dalawa at lahat ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. Bago ang pagtitipon, nagdaos ang mga kalahok ng misa sa Redemptorist Church.
Noong Hulyo 11, 1985, dinukot at sapilitang iwinala ng mga elemento ng Military Intelligence Group ni Marcos sina Romano at Ybañez sa magkakahiwalay na insidente sa Cebu City. Si Fr. Romano, na isang paring Redemptorista at kilalang lider-maralita, ay dinukot sa Barangay Tisa, habang si Ybañez, na isang aktibistang magsasaka at mag-aaral, ay huling nakita sa kahabaan ng Sanciangco Street.
Kilala si Fr. Romano sa kanyang papel sa paglaban sa diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr bilang ikalawang pangulo para sa Visayas ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Si Ybañez naman ay kapwa naging katuwang sa pag-oorganisa ng mga batayang sektor sa rehiyon.
“Mahigit apat na dekada ang nakalipas, hindi pa rin alam ang kanilang kinahinatnan, at hindi pa rin nakakamit ang hustisya,” ayon sa pahayag ng Bayan-Central Visayas. “Ang kanilang pagkawala ay nananatiling isang masakit na alaala sa maraming biktima ng sapilitang pagkawala noong panahon ng diktadurang Marcos, at sa patuloy na panawagan na wakasan ang kawalan ng pananagutan at itaguyod ang karapatang-tao.”
Ayon sa mga grupo, bagaman lumipas na ang mahigit apat na dekada, nananatiling sariwa ang sugat para sa mga pamilya ng mga desaparesido o ang mga biktima ng sapilitang pagkawala. Binigyang-diin nila na ang paggunita sa dalawang martir ay hindi lamang pag-alaala sa nakaraan, kundi isang patuloy na laban para sa katotohanan at pananagutan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Nangako ang mga progresibong grupo at tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa Cebu na hindi sila titigil sa paghahanap sa dalawa at patuloy na bibigyang-boses ang mga biktima ng pasismo sa bansa.
The post Ika-41 anibersaryo ng sapilitang pagkawala nina Fr. Romano at Ybañez, ginunita sa Cebu appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

