Binatikos ni Assistant Minority Leader at kinatawan ng Gabriela Women’s Party Sarah Elago ang kabiguan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ipagtanggol ang publiko laban sa sobra-sobra at hindi makatwirang mataas na bayarin sa kuryente.
Nitong mga nagdaang lingo, lumaganap sa social media ang dumaraming reklamo hinggil sa sobrang singil sa kuryente kahit walang pagbabago sa kanilang konsumo at maling pagbasa ng metro ng Meralco. Payo naman ng ERC sa mga konsyumer ay itala buwan-buwan ang kanilang meter reading at bayaran ang mga pinagtatalunang bill “under protest” upang maiwasan ang pagkakaputol ng serbisyo.
Ani ni Elago, sa halip na panagutin ang pinakamalaking kumpanya ng distribusyon ng kuryente sa bansa, ipinapasa ng ERC sa mga ordinaryong konsyumer ang responsibilidad na tiyaking tama ang kanilang mga singil. Dagdag dito, ipinakikita ng mga reklamong ito ang mas malalim na problema sa regulasyon ng mga kumpanyang nagbibigay ng kuryente.
“Kalokohan ang payo ng ERC na ang mga konsumer ang mag-monitor ng metro at magbayad muna kahit mali ang singil. Paano po kung nasa tuktok ng poste ang metro at hindi naman ito mabasa agad? Hindi ba’t trabaho ng Meralco ang tiyaking tama ang kanilang meter reading at billing?” paliwanag ni Elago.
“Hindi rin ganoon kadaling magbayad ng bill na malinaw na sobra at hindi makatarungan, lalo na sa panahong hirap na hirap ang mga pamilya sa taas ng presyo ng bilihin. Imbes na panagutin ang Meralco sa mga maling singil, ang ipinapayo ng ERC ay pasanin muna ng mga konsumer ang mga naiulat na kapalpakan ng kumpanya,” dagdag niya.
“Ano pa ang silbi ng ERC kung hindi nito kayang papanagutin ang Meralco sa harap ng sunud-sunod na reklamo? Ang isang regulatory agency ay dapat kakampi ng publiko, hindi tagapagtanggol ng mga dambuhalang korporasyon. Dapat gawin ng ERC ang mandato nitong protektahan ang kapakanan ng mga konsyumer,” giit ni Elago.
Bilang tugon, plano ni Elago na maghain ng resolusyon para imbestigahan ang ERC at maging ang pataas na pataas na singil ng kuryente at hindi maayos na pagbasa ng metro na inerereklamo ng mga tao.
“Maghahain kami ng isang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon, bilang tulong sa pagbuo ng batas, hinggil sa mga naiulat na reklamo ng overbilling at sa mga patakaran ng pagsingil ng Meralco, gayundin sa pagharap ng ERC sa mga hinaing ng mga konsyumer.” Hindi dapat hinahayaan na ang ordinaryong mamamayan ang magbayad sa bawat pagkakamali ng malalaking korporasyon,” ayon sa kongresista.
The post ERC hindi kayang proteksyunan ang mga konsyumer—Gabriela Women’s Party appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

