Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang 7-kataong tim ng 62nd IB sa Sityo Balingos, Barangay Hinakpan, Guihulngan City, Negros Oriental noong Hulyo 1 ng hapon. Isang sundalo ang napatay, habang tatlo ang nasugatan. Limang metro ang layo ng mga Pulang mandirigma sa pasistang pwersa nang kanila itong inatake.
Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang tropa ng 62nd IB na kanilang pinatamaan ay nagsisilbing blocking force ng ilampu pang ibang tropa na naglulunsad ng kampanyang pagkubkob at paglipol sa yunit ng BHB. Nagmamaniobra palabas ng pag-ensirkulo ang yunit ng BHB nang napansin nila ang 7-kataong tropa ng militar.
“Upang pagtakpan ng militar ang kanilang kahihiyan, sadyang itinago nila sa publiko ang kanilan kaswalti sa nangyaring labanan,” ayon kay Regalado. Ayon pa sa yunit, malaking sampal sa militar ang pag-atake ng hukbong bayan lalaun at malawak ang saklaw ng focused and sustained military operations (FSMO) sa Central Negros.
Ang pag-atake ng BHB-Central Negros ay kasunod ng walang patumanggang pamamaril ng 62nd IB sa Sityo Balingos noong alas-5:40 ng umaga ng araw na iyon. Nagpaputok ang militar dahil sa nerbyos at takot na mayroong aatakeng yunit ng BHB sa kanila.
Matapos nito, inutusan ng militar ang mga residente ng sityo na huwag lumabas ng bahay nang buong araw. Pinigilan rin ang mga magsasaka na magtrabaho sa kanilang mga bukid. Nagdulot ang insidente ng labis na takot at troma sa mga residente. Labag ito sa kanilang mga karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas.
Sa FSMO sa Central Negros, pinakikilos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 62nd IB at 94th IB sa mga barangay ng Guihulngan City, La Libertad at Canlaon City sa Negros Oriental at Moises Padilla, Isabela at Binalbagan ng Negros Occidental mula pa Hunyo 16. Bahagi ang mga operasyong kombat na ito ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimeng US-Marcos laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa pagsusuri ng BHB-Central Negros, taktika ngayon ng pasistang tropa sa larangang gerilya ang pagpapakat ng maraming maliliit na yunit na gumagamit ng small unit tactics na pinaunlad ng militar ng US. Layunin umano ng mga ito na tuntunin, habulin at patamaan ang mga yunit ng hukbong bayan.
Sa harap ng kampanyang miltar ng AFP, inatasan ng BHB-Central Negros ang lahat ng mga yunit sa ilalim nito na maglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba sa lubos na suporta ng api at pinagsasamantahang mamamayang Negrosanon. “Ipagtanggol ang karapatan at interes ng malawak na masa ng mamamayan sa pamamagitan ng malikhaing pagpukaw, pag-organisa, at pagpapakilos sa kanila,” ayon kay Regalado.
The post Nagpapahingang tropa ng 62nd IB, pinaputukan ng BHB-Central Negros appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

