Nagkasa ng kilos-protesta ang mga manggagawa ng San Miguel Integrated Logistics Services Inc. (SMILSI) noong Hulyo 4 para igiit ang agarang pagbabalik ng humigit-kumulang 800 empleyado ng kumpanya na biglaang tinanggalan sa trabaho.
Sa pamumuno ng grupong Defend Workers Southern Tagalog, kinundena ng mga manggagawa ang biglaang abiso ng pamunuan ng kumpanya na nagbabawal sa mga manggagawa nito sa Sta. Rosa at Crossing, Calamba na pumasok sa trabaho simula noong Hulyo 6.
Ayon sa grupo, inilagay ang mga manggagawa sa “floating status” o walang sahod at benepisyo matapos umanong matalo ang kumpanya sa bidding process para sa mga operasyon nito sa bodega, transportasyon, at bundling. Pinilit din ng maneydsment ang mga manggagawa na pumirma sa mga dokumento nang walang malinaw na paliwanag.
Ang SMILSI ay isang pangunahing logistics company na may hawak sa mga dry goods, cold goods, at ready-to-eat products ng mga bantog na tatak tulad ng Magnolia at Purefoods sa ilalim ng San Miguel Corporation (SMC).
Ayon sa mga manggagawa, taktika lamang ng kapitalista ang malawakang tanggalan para buwagin ang kanilang lehitimong unyon. Bago ang insidente, naglabas ng desisyon ang National Labor Relations Commission (NLRC) noong Abril 27 na pumapanig sa unyong USMILSI-IND para sa kanilang karapatan sa collective bargaining agreement (CBA).
Nauna rito, kinilala na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang unyon bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) noong Disyembre 29, 2023. Ito ay matapos silang manalo sa Certification of Elections noong Setyembre ng parehong taon.
Binatikos ng grupo ang anito’y patuloy na paglabag ng kumpanya sa mga karapatan sa paggawa sa kabila ng mga naging desisyon ng korte at ahensya ng gubyerno. Ayon sa unyon, nananatiling nakapako sa ₱600 na minimum wage ang sahod ng mga manggagawa habang talamak ang kontraktwalisasyon sa loob ng pagawaan.
Batid ng mga manggagawa ang napalaking agwat ng kanilang kalagayan kay Ramon S. Ang, ang hepe ng SMC. Tinukoy ngayong taon bilang ikalawang pinakamayamang bilyonaryo sa Pilipinas si Ang, na may net worth na nagkakahalaga ng $3.4 bilyon.
Hinimok ng USMILSI-IND at Defend Workers Southern Tagalog ang pamunuan ng San Miguel na panagutan ang anila’y iligal na pagtatanggal, ibalik ang mga apektadong manggagawa, at harapin ang makatarungang negosasyon para sa CBA.
The post Pagbabalik sa trabaho ng 800 manggagawa ng San Miguel Corp, iginiit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

