Matapos ang serye ng mga kilos-protesta sa buong bansa, matagumpay na naisara ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor (GUTS-PLDT) ang pakikipagnegosasyon nito sa maneydsmnt ng PLDT Inc. para sa isang bagong collective bargaining agreement.

Nakamit ng unyon ang makabuluhang dagdag-sahod at karagdagang mga benepisyo sa kabila ng tinawag nitong “garapalang pagpapatagal” ng maneydsment sa negosasyon.

Ayon sa pahayag ng GUTS-PLDT, naging susi sa tagumpay ang nagkakaisang paninindigan ng kasapian at pagkilos ng unyon. Kabilang dito ang halos araw-araw na noise barrage, pagsusuot ng pula at itim na t-shirt bilang protesta, at paglulunsad ng mga “Jericho march” sa iba’t ibang sangay ng kumpanya sa bansa.

Bukod sa mga lokal na hiling ng mga superbisor, binitbit din ng unyon ang mas malawak na panawagan para sa regularisasyon ng mga rank-and-file na manggagawa. Mariing tinutulan ng unyon ang banta ng tanggalan sa trabaho na dulot ng mabilis na integrasyon ng automation at artificial intelligence (AI) sa industriya ng telekomunikasyon.

“Nakipagkaisa [ang GUTS-PLDT] sa mga unyon sa loob ng PLDT upang mas malakas na isulong ang kanilang mga kahingian para sa nakabubuhay na sahod, kaseguruhan sa trabaho, benepisyo, at karapatan,” anang unyon sa isang upisyal na pahayag.

Pangako ng unyon na mananatili itong magmamatyag laban sa anumang tangka ng maneydsment na bawiin o ipagkait ang mga nakamit na insentibo. Anito, “mas matibay at mas palabang unyon” na ang handang humarap sa ganid na kapitalista.

The post Unyon ng mga superbisor, matagumpay na nakapaggiit ng CBA sa PLDT appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.