Mariing kinundena ng grupong Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK) ang pagbenta ni Ferdinand Marcos Jr sa likas na yaman ng bansa sa mga kumpanyang mina mula sa Canada. Anito, tiyak na magpapatindi ang hakbang na ito sa pagkasira ng kalikasayan at magwawasak sa kabuhayan ng mamamayan.

Noong Hulyo 4, inanunsyo ni Marcos Jr. ang pagtanggap sa P1.9 bilyong pamumuhunan sa OceanaGold para suportahan ang pagpapalawak at pagpapalawig ng operasyon ng Didipio Gold-Copper Project nang dagdag na dalawang taon hanggang 2037. May aktibong mina ang kumpanya sa Barangay Didipio, Municipality of Kasibu, Nueva Vizcaya. Nabuo ang kasunduan sa Philippines-Canada High-Level Discussion on Mining, Critical Minerals, and Energy, ang pagpupulong na ginanap sa Vancouver. Kasama sa pulong na ito ang iba pang dambuhalang kumpanya ng pagmimina na nakabase sa Canada gaya ng B2Gold Corporation at Filminera Resources Corporation na magkatuwang na nagpapatakbo ng Masbate Gold Project. Planong mamuhunan ng Masbate Gold Project ng $14 milyon para sa solar plant at proyektong eksplorasyon. Nagpahayag naman ang B2Gold na pag-aaralan nito ang pagpapalawig ng operasyong mina nito.

Upang maengganyo ang mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa, ibinida ni Marcos ang anti-mamamayana at pabor sa negosyanteng mga batas kabilang ang CREATE More Act at Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act of 2025 na nagbibigay ng tax holidays at tax incentives sa mga kumpanya.

Ayon sa grupo, napakaliit ng ambag ng pagmimina sa kabuuang kita ng bansa. Sa kabila nito, lalo pang pinapababa ni Marcos ang buwis na binabayaran ng mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina habang bilyun-bilyong halaga ng mga mineral ang inaangkat ng mga ito palabas ng bansa.

Huwad ang mga pangako ng pag-unlad ng mga dambuhalang pagmimina, anito. Patuloy na bumabagsak na pang-ekonomyang kalagayan ng mga Novo-Vizcayanos dahil sa pagkasira ng kanilang lupa at kabuhayan.

Sa kasalukuyan, patuloy na nakatayo ng barikada ng mga residente ng Kasibu at Dupax del Norte para tutulan ang mining exploration ng North Luzon Mineral Resources Corporation at Woggle Corporation—mga kumpanyang kapwa kontrolado ng mga dayuhang korporasyon. Ang Didipio Gold-Copper Project ng OceanaGold ay iland dekada nang nilalabanan ng mga mamamayan ng Didipio, Kasibu dahil sa mga delubyong dinulot nito sa mamamayan, gaya ng pagpapalayas sa mga komunidad, landslide dulot ng pagkakalbo ng kagubatan, at pagwasak sa yamang agrikultural.

Ani ng grupo, ang mga hakbangin at batas ay walang ibang pinagsisilbihan kundi ang mga dayuhang kumpanya na kasalukuyang nagmamadali sa pagkamkam ng mga minerales sa tulak ng bumibilis na produksyon ng semiconductors para sa iba’t ibang negosyo at paggawa ng mga kagamitang pandigma. Inaasahang ang lalong titindi pa ang pandarambong sa likas na yaman ng bansa sa balangkas ng Pax Silica Initiative at Critical Minerals Agreement na pinirmahan ni Pangulong Marcos ngayong 2026.

“Imbis na papasukin at himukin pa ang mga dayuhang korporasyon para dambungin ang ating likas-yaman, dapat unahin ang panawagan na suportahan ang mga katutubo, hardinero at magsasaka ng Nueva Vizcaya sa kanilang lupa at kabuhayan. Linangin ang pambansang industriya ng pagmimina upang magsilbi sa mamamayang Pilipino at hindi sa mga dayuhang korporasyon,” pahayag ng ANVIK.

“Ang mga likas yaman ng ating bansa ay dapat na para sa kapakinabangan ng mga mamamayan, at hindi para sa mga dayuhan. Sa tumitinding banta ng pandarambong sa ating mga likas yaman, tuloy-tuloy ang laban ng mamamayan para sa kalikasan, lupa at kabuhayan,” pagtatapos ng grupo.

The post Pagbenta ni Marcos Jr sa likas na yaman ng Pilipinas sa mga kumpanya sa mina sa Canada, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.