Ginunita ng buong kasapian ng Kabataang Makabayan mula Luzon hanggang Mindanao noong ika-7 ng Hulyo ang pagkatatag ng Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Ang KKK ay isang lihim na rebolusyong organisasyon na nagpaliyab ng diwang makabayan sa buong kapuluan at nagpasiklab ng isang pambasang armadong rebolusyon laban sa mga kolonyalistang Kastila.

Sa pangunguna ng uring anakpawis, mga makabayang intelektwal, at mga kabataan, pumwesto ang Katipunan sa harapan ng pakikibaka para sa pambansang paglaya. Nang mapilitan na simulan nang mas maaga ang armadong rebolusyon, agaran nilang nakita ang kahalagahan na mag-organisa nang mabilisan at palapad. Nakamit nila ito sa masigasig na paglangoy sa hanay ng masa, pagpapalaganap ng makabayang propaganda sa pamamagitan ng kultura at sa pahayagan nilang ‘Kalayaan,’ at maagap na paunang paghahanda para sa armadong pakikibaka at paghahanap ng mapagkukuhanan ng pinansya at sandata. ‘Di nagtagal at ilang mga balangay ng Katipunan na naitayo ay nagsilbi na ring gulugod ng sinisikap nilang itayong gobyerno na pinamumunuan ng mga masang api. Hindi rin naging kataka-taka na ang ilang mga upisyal ng mga baryo ay maoorganisa at marerekluta sa Katipunan dahil sa hangarin na tapusin na ang daantaon na paghihirap ng sambayanang Pilipino.

Sa batayan ng magiting na rebolusyonaryong tradisyon na ito ay itinayo ang Kabataang Makabayan, sa mismong araw ng kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio, dahil mula noon hanggang ngayon, nasa parehong sitwasyon ang mga kabataan. Walang lupa, kawalan ng nakabubuhay na sahod, walang kasiguruhan sa kasalukuyang sistema na pinaghahari-harian ng tatlong salot na imperyaismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na siyang nagpapahirap sa sambayanan.

Nasa ganitong diwa din ng pambansang paglaya ang katuwiran ng paglaban na dapat mabatid ng ating mga kapwa kabataang Pilipino, sa loob man o labas ng bansa. Kailangan na natin wakasan ang daang-taong paghihirap ng Pilipinas at isulong ang isang makabayan at makatarungan na kinabukasan. Bagtasin natin ang mahirap na landas ng pakikibaka, tulad ng Katipunan, abutin natin ang bawat sulok ng bansa.

Bilang mga rebolusyonaryong kabataan na bagong salinlahi ng rebolusyon, magpakahusay tayo at humalaw ng mga aral mula sa Katipunan, sumandig sa makapangyarihan na teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang ituwid ang mga naging kahinaan at pagkakamali na nagpahamak sa mga puwersa ng rebolusyon ng nakaraan, at ubos kayang magpasampa ng laksa-lasang kabataan sa Bagong Hukbong Bayan, ang ganap na tagapagmana ng sulo ng armadong rebolusyon na paunang pinasiklab at ipinalaganap nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Macario Sakay, at marami pang iba.

Saan man may krisis, maasahan na mayroong uusbong na pakikibaka. Itong mga pakikibaka sa buong bansa ay magpapaliyab ng mga apoy ng armadong rebolusyon, hanggang sa tuluyang mapabagsak ang paghahari ng imperyalismong US at ang papet na estado nito. Kasama ang uring anakpawis at magsasaka, walang imposible.

Sa diwa ng paggunita ng anibersaryo ng Katipunan at bilang paghamon sa mga nagaharing-uri at imperyalista, naglulunsad ng iba’t ibang mga lihim na aktibidad ang balangay ng Kabataang Makabayan bilang hudyat ng paparating na daluyong ng reholusyonaryong pakikibaka. Lipos ang aming militansya sa pagkakasa ng iba’t ibang mapanlikhang aktibidad sa iba’t ibang lugar sa bansa!

Rebolusyon ni Bonifacio, Isulong mo Bagong Tipo! Palagablabin ang digmang bayan, durugin ang kaaway! Magpunyagi hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang alaala ng Katipunan!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!

The post Masiglang ipagpapatuloy ng kabataan hanggang ganap na tagumpay ang rebolusyon na sinimulan ni Bonifacio appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.