Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila ang militarisasyon, Red-tagging at panggigipit ng 11th at 12th Civil-Military Operations Battalion (CMOBn) sa komunidad ng Aroma, Barangay 105, Tondo, Maynila.

Nitong linggo, nilapitan ng mga kinatawan ng pekeng organisasyong Aroma para sa Kapayapaan, Kalusugan, Kabuhayan, at Kaunlaran (A4K), ang ilang myembro ng Sama-sama para sa Maayos na Tahanan at Hanapbuhay (SMTH) upang gipitin at takutin. Pinangunahan ng isang Remedios Cabello ang A4K.

Si Cabello ay dating myembro ng SMTH na inalis ng organisasyon dahil sa mga isyu sa pamamahala ng pondo. Ngayon, ginagamit siya upang isulong ang mga operasyong naglalayong wasakin ang lehitimong organisasyon ng mga residente at ipalit dito ang isang grupong nagsisilbi sa interes ng militar.

Ayon sa mga myembro ng SMTH, pinangakuan ang mga residente ng pabahay o salapi at inalok ng ₱70,000 kapalit ng pagpirma at panunumpa bilang mga “sumuko.” Itinakda pa ang araw ng naturang pagpapasuko. Sa kabila ng matinding presyur, pinili ng mga residente na huwag dumalo.

Ayon sa Bayan-Manila, ipinakikita ng pagtakwil ng mga residente sa panlilinlang ng A4K na hindi kayang bilhin o takutin ang sama-samang paninindigan ng mamamayan. Anito, hindi kapayapaan ang hatid ng militarisasyon. Ang paggamit ng kahirapan bilang kasangkapan upang itulak ang mga residente sa mga programang hindi sumasagot sa kanilang mga panawagan ay tahasang pagyurak sa kanilang dignidad, karapatan, at kalayaang mag-organisa.

Hindi na bago sa mga Manileño ang ganitong mga operasyon. Mula nang ideploy ang 11th at 12th CMOBn sa lungsod noong 2022, walang tigil na nilabanan ng mga residente ang kanilang presensya. Matapos ang pormal na paghahain ng reklamo ng SMTH sa Commission on Human Rights noong 2024 at ang tuluy-tuloy na sama-samang pagkilos ng komunidad, napilitang umurong ang mga operasyong militar sa Aroma. Ang muling paglitaw ng A4K ay malinaw na pagtatangka lamang na ibalik ang parehong mga operasyon sa ibang anyo, paliwanag ng grupo.

Nananawagan ang BAYAN-Manila sa lahat ng mamamayan, mga organisasyong masa, mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, at sa midya na ilantad at tutulan ang militarisasyon sa mga sibilyang komunidad. Hindi dapat pahintulutan ang paggamit ng pananakot, panlilinlang, at panggigipit laban sa mga maralitang patuloy na lumalaban para sa pabahay, kabuhayan, at iba pang batayang karapatan.

The post Kampanyang “surender” sa Aroma, Tondo, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.