Muling dumanas ng pananakot at panggigipit mula sa nangangamkam ng lupa ang mga residente ng Sityo Sangilo, Barangay Macabaklay, Gapan City, Nueva Ecija noong Hulyo 2 ng umaga. Pinagbanataan silang sapilitang palalayasin at sisirain ang mga pananim kung hindi aalis sa komunidad sa itinakdang “ultimatum” noong Hunyo 3 ng umaga.

Ayon sa mga residente, sumugod sa sityo ang nagpakilalang may-ari ng lupa na nagngangalang Rey Tan. Kasabwat niya ang Chief of Police ng Gapan City na si PLTCOL Wilmar Binag, mga tauhang sakay ng mga mobil ng pulis, at ilang mga armadong tauhan na nakasibilyan. “Dumating sila sakay ng limang sasakyan, mga alas-11 o alas-12 ng tanghali, armadong naka-sibilyan na malalaki ang katawan,” ayon kay Mary Jean Bote, tagapagsalita ng Bayanihang Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI).

Pinalalayas ang mga magsasaka at residente ng Sityo Sangilo para bigyang daan ang MTerra Solar Project. Sasaklawin ng proyekto ang 3,500-7,000 ektarya ng lupang pang-agrikultura sa mga bayan ng Nueva Ecija at Bulacan. Itinatayo ito ng Meralco PowerGen at ng dayuhang kumpanyang General Atlantic.

Ayon sa Movement Against Destructive Solar Farms (Madsolar), bagong tatag na grupong kontra mapangwasak na solar farms, ang insidente ay hindi isang simpleng sigalot sa lupa. Kasabay ng kaso ng pagbabanta at paninira, sa nagdaang mga taon ay sunud-sunod ang pagsasampa ng MTerra at mga tuahan nito ng gawa-gawang kaso laban sa mga magsasaka upang patahimikin ang kanilang paglaban at gawing kriminal ang lehitimong pagtatanggol sa lupaing bumubuhay sa kanila. “Ito ay lantarang teror laban sa mamamayan,” ayon sa grupo.

Mula pa 2024, tuluy-tuloy nang inaararo at sinisira ng kumpanya ang mga sakahan sa Sityo Sangilo. Hindi bababa sa 30 ektaryang pananim ang winasak na lubhang ikinalugi ng ma magasasaka. Sangkot dito sina Cong. Emerson Pascual at ng kanyang amang warlord na si Boy Pascual. Hinihinala ring ang kanilang armadong grupo ang nasa likod ng pagsunog sa mga taniman ng niyog, calamansi, saging, suha, at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng mamamayan.

“Sa pamamagitan ng pananakot, pandarahas, at panlilinlang, unti-unti nilang inaagaw ang lupa upang sila ang makinabang sa renta at kabayaran mula sa dambuhalang proyektong MTerra Solar,” pahayag ng Madsolar. Dahil sa walang lubay na intimidasyon, napilitan ang ilang magsasaka na iwanan ang kanilang mga sakahan.

Nagpahayag ng suporta sa mga magsasaka ng Sityo Sangilo at kanilang organisasyong BMSAI at Sitio Sangilo United Farmers Associatio Inc. (SUFFAI) ang konseho ng mag-aaral ng Central Luzon State University (CLSU) at ang Anakbayan-Nueva Ecija.

“Nararapat lamang din na makihanay ang kabataan-estudyante sa mga magsasakang Novo Ecijano upang bitbitin ang kanilang mga panawagan, at makiisa sa kanilang laban,” pahayag ng konseho ng mag-aaral ng CLSU. Hinikayat nito ang mga kapawa estudyante na maging mapanuri at tumutok sa sitwasyong kinakaharap ng Sityo Sangilo, kabilang na ng buong Nueva Ecija at Bulacan, sa kasagsagan ng pananalasa ng malagim na solar farms.

Pagdidiin ng Madsolar, hindi krimen ang ipaglaban ang karapatan sa lupa at kabuhayan. “Ang tunay na kriminal ay ang mga korporasyon, mga kasabwat nilang pulitiko, at ang mga armadong pwersang ginagamit upang supilin ang makatarungang paglaban ng mamamayan. Tuloy-tuloy ang laban para sa lupa, kabuhayan, at tunay na hustisyang panlipunan,” anang grupo.

The post Mga magsasaka sa sityo sa Nueva Ecija, pinalalayas para sa MTerra Solar Project appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.