Naglunsad ng pangkalahatang asembliya ang Arista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Balangay Jethro Isaac Ferrer, isang balangay sa Southern Tagalog, noong Hunyo sa isang hindi tinukoy na lugar sa rehiyon. Dagdag rito, isinagawa rin ng balangay ang isang aktibidad pang-kultura at pagpipinta, pagdidikit at pagsasabit ng mga poster at istrimer na may rebolusyonaryong mga panawagan.
Sa ulat ng balangay, nagsimula ang asembliya sa rebolusyonaryong talakayang buhay ng mga dumalong myembro. Ibinahagi nila ang kanya-kanyang kwento sa pagkamulat sa kabulukan ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Nagkaroon din ng kapehan kung saan nag-alay ng kultural na pagtatanghal at nagsagawa ng rebolusyonaryong panunuring masa sa mga pyesa ang mga dumalo.
Bahagi rin ng asembliya ang paghahalal ng bagong mga upisyal ng komiteng tagapagpaganap ng balangay. “Panata ng balangay ang patuloy na pag-aaral sa mga sulatin ni Ka Joma Sison hinggil sa rebolusyonaryong gawaing pangkultura at pagsasapraktika nito sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa masang api para sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan,” pahayag nito.
Noong buwan rin ng Hunyo, pinangunahan ng Armas-Balangay Jethro Isaac Ferrer ang isang pistang pangkultura. Nagkaroon ng mga talakayan at palihan sa pagtitipon na layuning pagyabungin ang gawaing pangkultura ng mga rebolusyonaryong artista.
Pagkatapos ng aktibidad, inilunsad ng balangay ang koordinadong oplan pinta, oplan dikit, at oplan sabit. Ipinakalat nila ang mga poster, istrimer at pintura sa pader na nananawaang isulong ang digmang bayan at ang paglahok dito sa pamamagitan ng pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
“Itanghal ang iyong sining sa larangan ng digma!”, ang isa sa mga panawagang ipininta sa pader ng mga myembro ng balangay. Anito, ang panawagan ay hamon sa lahat ng artista na tanganan ang makasaysayang papel sa pagsusulong ng rebolusyon. “Tanging sa armadong pakikibaka lamang mapapawi ng mga manggagawang pangkultura ang pangingibabaw ng kolonyal, pyudal, at burgis na kulturang inaanak ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng Pilipinas,” pahayag ng grupo.
Sino Jethro Isaac Ferrer?
Ang mga aktibidad ng balangay ay itinaon sa pagdiriwang sa ika-34 na kaarawan ni Ferrer noong Hunyo 30 bilang pagpaparangal sa kanya. Si Ferrer ay isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at kadre ng Partidor Komunista ng Pilipinas sa Southern Tagalog na namartir noong Nobyembre 13, 2023 sa Barangay Buong Lupa, Gloria, Oriental Mindoro.
Si Ferrer ay ipinanganak sa Binmaley, Pangasinan at nagmula sa uring mababang petiburgesya. Nag-aral siya ng kolehiyo sa University of the Philippines-Los Baños sa kursong Bachelor of Science in Development Communication. Sa unibersidad siya higit na namulat sa kalagayan ng mga kabataang estudyante—ang panunupil sa kalayaan sa akademya at pamamahayag.
Noong 2009, naorganisa siya sa Armas. Mula 2010 ay kumilos siya bilang pultaym na organisador at kalaunan ay propagandista. Narekrut din siya kalaunan bilang myembro ng Partido at noong Disyembre 2010 ay nag-eksposyur sa yunit ng BHB sa isla ng Mindoro. Kasunod noon ay nagpasya na siyang maging pultaym na Pulang mandirigma.
Itinalaga siya ng Partido bilang kagawad sa Panrehiyong Istap sa Propaganda at Kultura (RIPK) noong Setyembre 2012 nang muling binuo ang komite. Naging manunulat siya ng Kalatas, Dagitab at mga pamamahayag sa rehiyon. Gumampan din siya sa gawaing reproduksyon ng mga Pulang pahayagan at iba pang lathalain, paggawa ng bidyo, pagiging war correspondent sa ilang piling taktikal na opensiba sa rehiyon at iba pa.
Sa gawaing istap niya ibinuhos ang pinakamalaking bahagi ng kanyang buhay-rebolusyonaryo mula 2012 hanggang 2021. Sa mga panahong ito, pana-panahon din siyang gumagampan ng gawaing masa sa saklaw ng rehiyon at nakilala ng masang magsasaka at katutubo sa hangganang Quezon-Bicol at North Quezon-Rizal.
Mula 2022 hanggang kasalukuyan ay gumampan si Ferrer ng gawain sa teritoryo sa isang larangang gerilya sa isla ng Mindoro, kung saan rin siya nahikayat na maging pultaym na mandirigma noong 2011. Hanggang bago siya mabuwal, gumampan siya bilang regular na kagawad ng Komite ng Partido sa Isla ng Mindoro at ubos-kayang nag-ambag para sa muling pagpapalakas at ibayong pagpapasigla ng rebolusyon sa buong isla.
The post Isang balangay ng Armas sa Southern Tagalog, nagdaos ng pangkalahatang asembilya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

