Nakikiisa ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA-Oriental Mindoro) sa panawagan ng mga residente ng Pinamalayan at Pola na magpatupad ng pangmatagalang solusyon sa lumalalang problema ng pagbaha sa kanilang mga komunidad.

Muling nakaranas ng pagdurusa ang mga mamamayan sa Pinamalayan at Pola dahil sa pagbaha na dulot ng nakaraang bagyong Henry. Sa maikling oras na ulan ay nagdulot ng pagbaha sa ilog ng Barangay Del Razon at sa boundary ng Barangay Lower Buli sa bayan ng Pinamalayan at Barangay Biga sa bayan ng Pola noong Hunyo 30 hanggang Hulyo 1. Ang insidente ay hindi pa katulad sa nakaraang magkakasunod na mga bagyo at pag-ulan dulot ng habagat pero matindi na agad ang naging epekto sa mamamayan.

Ibinahagi sa social media ng mga residente ng Barangay Del Razon na isinusugal ng mga estudyante at magulang ang kanilang kaligtasan sa pagtawid sa umaapaw na ilog para lamang makapasok sa eskwela. Nagiging delikado para sa kanilang pang araw araw na paglalakbay. Ibinahagi din sa social media ng mga taga-Barangay Biga at Lower Buli ang tulungan para maitawid ang mga tao at gamit sa rumaragasang tubig-baha. Samantala, nagmistulang mga basang sisiw ang mga estudyante at guro ng Buli High School matapos na tumagas sa kisame ng bagong tayong silid aralan ang tubig ulan, dahilan upang magsilikas ang mga estudyante. Hindi pa man nagtatagal ang panahon ng tag-ulan at wala pang pumapasok na magkakasunod na bagyo sa Oriental Mindoro ay pinipeste na ng pagbaha ang mga mamamayan ng nasabing mga barangay.

Habang ang mga mamamayan ng Pinamalayan, Pola at iba pang bayan sa Oriental Mindoro ay laging piniperwisyo ng pagbaha, buhay-hari ang mga burukrata kapitalistang nagpapasasa sa mga pondo ng bayan na sana’y inilaan sa mga flood control projects (FCP) at iba pang batayang serbisyo sa mamamayan.

Nagmula mismo sa bibig ni Governor Bonz Dolor na sa loob ng tatlong taon mula 2022 hanggang 2025 ay nakatanggap ang probinsya ng Php.30.29 bilyong pondo para sa proyektong flood control subalit walang naitayong matinong proyekto na nakatulong sa mamamayan. Naging kwestyonable din ang mga proyektong FCP sa Barangay Sto. Niño sa Pinamalayan, Barangay Apitong at Tagumpay sa Naujan at Buong Lupa sa Gloria na nagkakahalaga ng kabuuang ₱4.24 bilyon, subalit oportunistang naghugas-kamay si Bonz Dolor sa pagharap niya sa imbestigasyon sa kongreso upang pagtakpan ang sarili at ibato ang sisi sa mga karibal niya sa pulitika.

Matagal ng hinihiling ng mga residente ang proyektong tutugon sa kanilang suliranin sa panahon ng tag-ulan at mga kalamidad. Bagaman mayroon ng mga flood control projects (FCP) sa ibang bayan sa probinsya gaya ng Naujan, hindi din nito nalutas ang problema ng pagbaha sa karamihan ng mga bayan ng Oriental Mindoro. Ang mas inunang pondohan ay ang mga proyektong tinukoy ng haring kawatan na si Marcos Jr sa mga iligal na budget insertions sa General Appropriating Act (taunang pondo ng bansa). Ang ilang aktwal na naipatupad na FCP ay ginawang sub-standard. Ganun din ang nangyari sa iba pang proyekto gaya ng silid aralan kung kaya sa kaunting buhos ng ulan ay nasisira ito.

Gaya ng mga residente ng Pinamalayan at Pola, walang nahita ang mamamayan ng Oriental Mindoro sa bilyong pondo ng flood control projects. Ang bilyun-bilyong pondong inilaan sa mga proyektong ito ay pinagpasasaan ng mga ganid na burukrata. Habang mga mamamayang Mindoreño ay nagtitiis at buwis-buhay sa pagharap sa mga rumaragsang tubig at ilog at ang pagkasira ng mga pananim at kabuhayan dulot ng pagbaha, nanatiling bulag at bingi ang lokal na gubyerno ng Oriental Mindoro na lutasin ang problemang ito. Nakikipagsabwatan sila sa mga burukrata kapitalistang pinangunguluhan ng Marcos Jr. sa pagdambong at pagpapakasasa sa pondong nakalaan sana sa mga proyektong para sa kagalingan ng mamamayan.

Ang burukratang kapitalismo ay produkto ng pag -iral ng isang malakolonyal at malapyudal na bansang kagaya ng Pilipinas kung saan ang mga opisyal sa gobyerno ay naglilingkod hindi sa mamamayan kundi sa mga amo nitong dayuhang kapitalista at ng lokal na naghaharing-uri tulad ng mga panginoong maylupa (PML) at malaking burgesya komprador (MBK). Bilang mga utusan ng mga uring ito, may sariling tulak din sa mga burukrata kapitalista na makibahagi sa yamang dinadambong ng mga amo niya. Sa paulit-ulit na pangungupit, pakikipagtawaran, at maanomalyang paggamit ng batas at otoridad, nakakaipon ito ng sapat na yaman upang maging bahagi na rin ng sirkulo ng kanyang mga amo. Ang pagnanakaw sa kabang yaman ng gubyerno ay isang mukha lang nito. Subalit mas higit pa dito, ay ang talamak na paggamit sa otoridad at rekurso ng gobyerno na parang sarili nilang pribadong negosyo. Halos makuba na sa bigat ng bayaring buwis ang taumbayan, pero halos wala o kulang ang serbisyong nailalaan sa mamamayan ng gobyerno. Ang mga pondo ng bayan na mula sa dugo at pawis na pinipiga sa masang anakpawis ay siya namang dinadambong ng mga burukrata at kasapakat nitong lokal na naghaharing uri at dayuhang amo.

Sa ganito, walang aasahan ang mamamayang Mindoreño mula sa lokal na gubyerno at sa gubyernong Marcos II upang lutasin ang suliraning matagal na nilang kinakaharap. Nararapat lamang na magtayo ng isang gubyernong magpaplano at magpapatupad ng pangmatagalang solusyon hindi na lamang sa mga pagbaha kundi sa iba pang suliraning kinakaharap ng Mindoreño at ng lahat ng mamamayang Pilipino. Kung kaya nararapat lamang ang pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na lulutas sa pundamental na problema ng sambayanang Pilipino, ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa ating pag-oorganisa, pagmumulat at pagpapakilos ng ating hanay, mapapanday ang lakas ng sambayanan upang ibunsod ang pagtatayo ng demokratrikong gobyernong bayan mula sa hanay ng demokratikong mga uri at sektor ng magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan, pambansang minorya, mga kawani at propesyunal at makabayang negosyante.

Nanawagan ang MAKIBAKA- Oriental Mindoro sa mga kababaihan at sa mamamayan ng Pinamalayan at Pola na nakararanas ng hirap na dulot ng pagbaha na makipagkaisa sa mga Mindoreñong nakikibaka para lutasin ang perwisyo sa buhay at kahirapan. Makipagkapitbisig tayo sa mga demokratikong uri at sektor upang panagutin ang mga kawatan sa pondo ng bayan at singilin sila sa kapabayaan sa kagalingn ng mamamayan.

Sama sama tayo sa pakikibaka para sa lupa kabuhayan at kagalingan ng mamamayan!

Magkaisa at itayo ang gubyernong bayan na totoong maglilingkod sa mamamayan!

Lumahok Digmang bayan. Sumapi sa Bagong hukbong bayan.

The post Pagbaha sa Pinamalayan at Pola, perwisyo sa Mamamayan! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.