Hindi kapayapaan kundi pagbubukas sa ibayong pandarambong at kahirapan ang hatid ng pagdedeklara ng NTF-Elcac at 203rd Bde-PNP MIMAROPA na insurgency-free na ang syudad ng Calapan at iba pang bayan sa Oriental Mindoro. Ngayong taon, magkakasunod na idineklara ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) status sa mga bayan ng Pola, Gloria, Bansud at Pinamalayan. Nauna rito, idineklara ang syudad ng Calapan at bayan ng Socorro noong 2025; at mga bayan ng Naujan, Baco, San Teodoro at Victoria noong 2024.

Ano ba ang Stable Internal Peace and Security (SIPS)? Ito ay pagbibigay-katibayan ng AFP-PNP na “ligtas” na ang isang lugar mula sa umano’y kaguluhan at presensya ng CPP-NPA-NDFP at sa gayon ay pwede nang magtuluy-tuloy ang kaunlaran sa lugar na iyon. Sa pamamagitan nito, binibigyan ng gubyerno ang mga lokal at dayuhang investors ng kumpyansa na ligtas silang direktang mamuhunan sa mga kanayunan tulad ng isla ng Mindoro. Kaya, kapansin-pansin na matapos ang mga deklarasyong SIPS ay ang pag-aanunsyo ng malalaking proyektong “pangkaunlaran” na hindi naman tunay na magsisilbi para sa interes at kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, malamanggagawa at pambansang minorya na bumubuo sa mayorya ng populasyong naghihirap sa kanayunan.

Ipinipilit ang mga deklarasyong ito sa balangkas ng pagtupad sa National Action Plan for Unity and Peace Development (NAP-UPD) upang pagmukhaing nagtagumpay na sila sa kontra-insurhensyang kampanya. Bahagi rin ito ng hibang na paghahabol ng rehimeng US-Marcos II na gawing sentro ng “kaunlaran” ang Oriental Mindoro sa rehiyong MIMAROPA. Sa balangkas nito, mabilis na itinutulak ng gubyerno ang “beautification” para sa turismo, pagpasok ng mga negosyong pangkomersyo at ng dayuhang pamumuhunan para magmukhang umuunlad na ang lalawigan. Target gawing syudad ang Pinamalyan at magsilbing ikalawang sentro ng Oriental Mindoro upang mailaan na ang Calapan City bilang “tahanan” ng mga pangrehiyong opisina ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Samantalang pangunahing dinedebelop na mga bayan naman ang Puerto Galera, Naujan, Victoria, Socorro, Pola, Gloria, Bansud at Bongabong.

Ngunit ano ba ang “kaunlaran” na tinutukoy ni Marcos Jr at para kanino ito tunay na magsisilbi? Para sa gubyernong Marcos Jr., ang “kaunlaran” ng Pilipinas ay nakabatay lamang sa mga grandyosong proyektong pang-imprastraktura na pinopondohan ng mga naglalakihang lokal at dayuhang mamumuhunan. Kapalit ng mga proyektong ito ang lansakang pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka at lupaing ninuno ng mga katutubo. Biktima rin nito ang komunidad ng mga maralitang magsasaka, manggagawa, at manggagawangbukid dahil kalimitan ng mga proyektong ito ay itinatayo sa mga lugar na populado at/o lupang agrikultural. Kaya nagiging mitsa ito ng land use conversion (LUC) na kasing-kahulugan ng pagpapalayas sa mga residente na kadalasan ay siyang nagpundar ng nasabing mga lupain. Malupit ang nagiging “kapalaran” ng mga biktima ng LUC . Kinakaharap nila ang maruming taktika tulad ng lansakang panloloko, nirarahuyo sa panandaliang ginhawa, ginagamitan ng batas, kinakasuhan, sinisindak ng mga maanomalyang papeles at kasabay ng militarisasyon.

Nagsasanib at nagtulung-tulong ang mga maniobra ng panginoong maylupa (PML), malalaking burgesya komprador (MBK) o mismong mataas na opisyal ng gobyerno at AFP-PNP (o mga burukrata kapitalista) para maangkin nila ang mga lupain o karapatan sa paggamit ng likas na yaman ng bansa. Sa tulak at kasabwat naman ang mga dayuhang monopolyo-kapitalista na may kontrol ng negosyo sa pandaigdigang saklaw.

Sa Oriental Mindoro, pinakatampok sa mga proyektong ito ang grandyosong Naujan Lake Development Project na sasaklaw sa mga bayan ng Naujan, Victoria, Pola at Socorro. Resulta nito, inilalako na ang mga lupain para sa pamumuhunan ng mga negosyante sa agribusiness at turismo. Sa kabila ito ng deklaradong reserbasyon at protektadong erya ang Lawa. Kapalit nito ang pang-aagaw sa lupa at kabuhayan ng magsasaka, mangingisda at mga residente sa paligid ng Lawa. Taong 2020 pa lamang, sinimulan na ang pagpapalayas sa mga komunidad sa tabing lawa at pagbabawal sa maliliit na mangingisda na makapaghanapbuhay. Ang pagpapaunlad naman sa bayan ng Pola ay nakadisenyo bilang bayan na may pantalang pinakamalapit sa lawa. Plano rin na paunlarin ito bilang panturistang destinasyon na inaasahang daragsain sa hinaharap.

Nauna rito ang multi-milyong agri-aqua marine concession project sa bayan ng Gloria na kabilang sa limang Philippine-Japan Concession Projects na tinatayang aabot sa kabuuang $7.5 bilyong pamumuhunan ng gubyerno ng Japan. Kabilang ito sa mga ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na “direct investments” na naisara nya noong 2023 sa kanyang pagbisita sa Japan. Saklaw ng kontrata nito ang pagpapagamit sa Japan ng itinuturing na mga lupang tiwangwang at underdeveloped gayundin ang bahagi ng fishing grounds ng munisipalidad. Bukod sa mga magsasaka at katutubong Mangyan-Taobuhid sa Barangay Manguyang, tiyak na apektado rin ang mga coastal barangays nito kung saan humigit 10% ng pamilyang naninirahan ay pangunahing nakaasa sa pangingisda.

Minamadali ng gubyerno ang “pagpapaganda” sa buong Oriental Mindoro samantalang napakabagal naman nito sa paglutas sa mga batayan at tunay na suliranin ng mamamayan. Ang alam lang ng gubyerno ay sementadong kalsada at iba pang imprastraktura ang lulutas sa suliranin ng mga Mindoreño. Bulag at bingi naman ito sa kahirapan na dulot ng malawakang kawalan ng lupa at patuloy na pagbagsak ng kabuhayan dahil sa pagsirit ng presyo ng farm inputs, bagsak-presyong produktong bukid at kawalan ng nakabubuhay na sahod bilang tunay na suliranin ng mamamayan sa lalawigan. Sadya lamang itong di balak lutasin kahit ng lokal na gubyerno ng Oriental Mindoro na binubuo ng mga lokal na panginoong maylupa, asyendero at komersyante-usurero (PML-AKU) at mga lokal na burukrata-kapitalistang nagpapakasasa sa yaman at lakas-paggawa na nililikha ng lalawigan. Pinatutunayan lamang nito na kahit kailan, wala tayong aasahang tunay na kaunlaran at kapayapaan mula sa isang gubyernong pinaghaharian ng mga ganid sa tubo at mangangamkam ng lupa.

Inaasahan na ni Marcos Jr na ang lumalalang krisis sa bansa ay patuloy na lilikha ng ligalig at magbubunsod ng magiting na paglaban ng mamamayan. At tulad sa iba pang bahagi ng bansa, buong tatag na lalabanan ng mga Mindoreño ang imbing pakana ng gubyerno na dambungin ang mga likas at gawang-taong yaman sa isla ng Mindoro. Kaya naman, sa kabila ng deklarasyong SIPS sa halos lahat ng bayan ng Oriental Mindoro, muling nagdagdag ng isang batalyon (74th IBPA) at muling ibinalik ang 4th IBPA ngayong 2026. Patunay lamang ito na ang mga deklarasyon ng SIPS ay pawang mga paghahambog lamang at desperadong hakbang ng rehimeng US-Marcos II sa pamamagitan ng AFP-PNP-NTF ELCAC para magpakitang-gilas sa amo nitong imperyalistang US. Inilalantad din nito na ang AFP-PNP ay hindi protektor ng kapayapaan kundi protektor ng mga dayuhang kapitalista at mga kasapakat na lokal na PML at MBK.

Kung babalikan, noong 2014 at 2015 ay magkasunod na idineklarang conflict manageable and ready for development (CMRFD) ang Oriental at Occidental Mindoro. Pagsapit ng 2017 tahasang tinakda ni Parlade na hepe 203rd Bde noon na matatapos na ang insurhensya sa isla sa loob ng dalawang taon. Subalit si Parlade rin mismo ang magdedeklarang eye of the storm ng kontra-insurhensya ang Mindoro noong 2021. Hindi matapus-tapos ang kadedeklarang tapos na ang insurhensyang likha ng CPP-NPA-NDF! Nawala na ang mga opisyal-militar na nagsabing tatapusin nila ito pero ang armadong paglaban ng mamamayan ay naririyan pa sa ngayon. Ang dahilan nito ay ang maling pagsusuri sa tunay na dahilan ng kahirapan ng mamamayan at kawalang kaunlaran ng bansa.

Ang kahinaan ng SIPS ay nasa maling pagsusuri sa dahilan ng kahirapan at panlipunang krisis. Ang nagpakana nito ay may maling pananaw na CPP-NPA-NDF ang dahilan ng kaguluhan at hadlang sa kaunlaran ng bansa. Na ang kaunlaran ay ihahatid ng simpleng pagpapasok ng mga pribado at dayuhang mamumuhunan. Na ang kapayapaan ay posible kahit hindi na magkaroon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Na ang pagbabago ng lipunan ay posible kahit hindi dinidistrungka ang malakolonyal at malapyudal na sistema ng bansa. Ang mga reaksyunaryong rehimen ay naghangad na lutasin ang paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsupil sa kanila nang hindi nilulutas ang ugat ng kahirapan at hindi binabago ang tagibang na pakinabang sa nalilikhang yaman ng lipunan mula sa pagbabanat ng buto ng mga manggagawa at magsasaka.

Nagkakamali ang gubyernong Marcos Jr sa pag-aakala na matatapalan ng iilanlibong pisong ayudang ipinamamahagi sa lalawigan ang mamamayang patuloy na nakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ito ang buod ng pambansa demokratikong programang isinusulong ng CPP-NPA-NDFP.

Nananawagan ang NDF-Mindoro sa lahat ng Mindoreño na ibayo pang pagkaisahin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga balangay o selula ng NDF. Dapat ilantad ang mga mapandambong at mapangwasak na proyektong aagaw sa lupain at komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa isla ng Mindoro. Sama-sama nating padagundungin ang kahilingan ng masa at palawakin ang pakikibaka para sa lupa, sahod, kabuhayan at hustisyang panlipunan. Labanan natin ang mga pagtatayo ng kampo-militar sa mga komunidad at ipanawagan ang pagwawakas sa militarisasyon sa kanayunan. Kaalinsabay ng mga ito ang ating makatwirang panawagan para sa libreng pamamahagi ng lupa, pagpapababa ng usura, pagtataas sa presyo sa farmgate ng mga produktong bukid, pagpapababa sa presyo ng mga farm inputs, paglaban sa importasyon ng mga produktong agrikultural, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid atbp.

Ang kapal-mukhang pagpapagamit ng Oriental Mindoro LGU sa imbing pakana at layunin ng rehimeng US-Marcos II laban sa mamamayan ng lalawigan ay nagpapakita sa kawastuhan ng ating paninindigang dapat nang palitan ang kasalukuyang gubyerno ng isang gubyernong tunay na magsisilbi sa aping uri at sektor ng lipunang Pilipino. Higit nitong pinagtitibay ang kawastuhan ng armadong pakikibaka at demokratikong rebolusyong bayan. Lagutin natin ang tanikalang daantaon nang pagpapahirap sa mga magsasaka at buong sambayanan!

Makibaka, huwag matakot!

ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo!

Isulong ang pambansa-demokatikong rebolusyon!

Sumapi sa NDF! Sumampa sa NPA!

The post Deklarasyong SIPS ng NTF-Elcac-AFP-PNP-MIMAROPA banta sa kabuhayan at kagalingan ng mga Mindoreño! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.