Dumanas ng malaking pagkalugi sa nagdaang mga linggo ang maliliit na mangingisda ng Subic, Zambales sa barat na presyong farmgate ng isda. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), epekto ito ng pagbuhos ng malaking bolyum ng produkto ng mga komersyal na pangingisda tulad ng purse seine (pangulong) sa kanilang merkado.

Sa ulat ng mga lokal na asosasyon ng mangingisda sa bayan ng Subic, bumagsak nang 65% tungong ₱70/kilo ang presyong farmgate ng gulyasan (skipjack tuna) mula sa dating ₱200/kilo. Samantala, ang presyo ng bonito ay bumagsak tungong ₱50/kilo mula sa dating ₱170/kilo.

“Hindi lamang sa municipal waters nanghihimasok ang mga commercial fishing, kundi maging sa mga lokal na palengke,” pahayag ni Roselyn Regalado, pangulo ng Samahan ng Cabangaan 3 Fishermen’s Unity. Sa pagtataya ng samahan, hindi bababa sa 50 na pangulong na nanggaling sa iba’t-ibang prubinsya ang nagbabagsak ng malakihang bolyum ng isda sa kanilang lugar.

“Labis ang pagkalugi namin dahil nanatiling mataas pa rin ang gastos sa produksyon lalo na ang presyo ng krudo,” ayon pa kay Regalado. Dagdag pasakit pa sa kanila ngayon ang panahon ng Habagat na nagdudulot ng malalaking alon at malalakas na hanging nagtutulak sa kanilang huminto sa pangingisda. Dahil dito, hindi na umano nila mabawi ang ipinuhunan at nagkakautang pa.

Nanawagan ang Pamalakaya sa gubyerno na kumilos at bigyang solusyon ang pamemeste ng komersyal na pangingisda sa municipal waters at mga lokal na merkado. Giit rin nitong imbestigahan ang posibleng manipulasyon ng mga fish trader sa farmgate price.

“Dapat gumawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaan para tugunan ang hinaing ng mga mangingisda para sa makatwirang presyo ng kanilang produkto. Indikasyon rin ito ng manipulasyon at kontrol ng iilang komersyante sa pamilihan,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

Matagal nang kahingian ng grupo sa mga ahensya ng gubyerno katulad ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magpatupad ng patakaran ng direktang pagbili nito ng mga produktong agri-fishery mula sa lokal na mga prodyuser sa makatarungang presyo. Itinutulak rin ng grupo ang pagtangal sa susun-susong middleman o trader na nagmamanipula sa presyong farmgate at presyo sa palengke.

The post Maliliit na mangingisda sa Subic, nalulugi dahil sa pagtatambak ng huli ng komersyal na pangingisda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.