Binatikos ng mga progresibong grupo ng manggagawa sa Central Visayas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-7) sa kawalan nito ng agaran at determinadong aksyon sa panawagang itaas ang minimum na sahod tungong ₱1,200. Sa kabila ng sumasadsad na kabuhayan ng mga manggagawa dulot ng sumisirit na presyo ng mga bilihin at langis, nananatili itong bingi at manhid sa hinaing ng mga manggagawa.

Sa isang press conference noong Huwebes, Hulyo 25, mariing kinundena nina Howell Villacrusis, pangkalahatang kalihim ng Alyansa sa Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU), Kyle Enero ng BIEN Cebu, at Jaime Paglinawan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas ang kawalang tugon ng RTWPB-7. Anila, lalong pinahaba ng ahensya ang kalbaryo ng mga manggagawa sa pagtanggi nitong magdeklara agad ng “supervening event” na magpapabilis sana sa pagpapatupad ng dagdag sahod.

Binigyang diin ni Villacrusis na noon pang Marso sumiklab ang tensyon sa Middle East na nagbunsod ng sunod-sunod na oil price hike at pagmahal ng mga pangunahing bilihin. Ngunit inabot pa ng halos tatlong buwan ang gubyerno bago man lang kumilos para sa isang huwad na “konsultasyon.”

“Sa taas nga panahon nanawagan ta og wage increase… Nibuto ang gyera sa Iran nga nitumol sa pagsaka og sirit sa mga pamaliton niadto pang Marso. Duol na sa tulo ka buwan, ana pa sila nagpatawag nga dunay supervening event. Sa atong makita nga dagan sa scheduling, pag-abot pa sa Septiyembre maaprobahan ang increase,” ani Villacrusis.

(Matagal na nating ipinapanawagan ang taas-sahod… Pumutok ang gera sa Iran na nagpasirit sa presyo noong Marso, lumipas ang halos tatlong buwan bago sila nagpatawag ng supervening event. Sa nakikita nating takbo ng iskedyul, Setyembre pa maaprubahan ang dagdag-sahod,” ayon kay Villacrusis.

Sa taya ng AMA Sugbo-KMU, napakababa na ng tunay na halaga ng kasalukuyang ₱540 na minimum wage sa rehiyon na nasa ₱400 na lamang sa harap ng 10.8% inflation rate sa Central Visayas noong Mayo. Pinakamataas ang tantos na ito sa buong bansa. Higit pang kalunus-lunos ang dinaranas ng pinakamahihirap na pamilya (ang pinakamababang 30% ng sambahayan) kung saan umabot sa 15.4% ang tantos ng implasyon.

Binweltahan din ng mga manggagawa sa BPO ang nagmungkahing unahin ang “upskilling” o pagsasanay kaysa sa pagtataas ng sahod upang maging “competitive” ang bansa. Ayon kay Kyle Enero ng BIEN Cebu, gasgas na ang palusot na ito ng mga kapitalista para bigyang-matuwid ang barat na pasahod. Marami na aniyang manggagawa ang gumagawa ng trabahong lampas sa kanilang mga tungkulin ngunit hindi naman binabayaran nang tama.

Sa isinumiteng bukas na liham ng AMA Sugbo-KMU sa wage board, inilatag nito ang makatarungang batayan para sa ₱1,420 na nakabubuhay na sahod (family living wage). Bilang kagyat na hakbang patungo rito, ipinapanawagan ng alyansa ang ₱660 na dagdag-sahod para sa Class A areas (upang mapantayan ang ₱1,200 baseline) at ₱700 na dagdag sahod para sa Class B areas na kasalukuyang nakapako sa ₱500.

Kinontrat ni Paglinawan ng Bayan-Central Visayas ang pananakot ng mga negosyante na malulugi sila kapag tinaasan ang sahod. Ayon sa datos, patuloy ang paglago ng Regional Gross Domestic Product (RGDP) ng Central Visayas at lalong nagpapakasasa sa tubo ang malalaking korporasyon at mga bilyonaryo sa rehiyon.

Aniya, makatarungan lamang na ibalik sa mga manggagawa ang yaman na sila mismo ang lumilikha. Habang patuloy na nagmamatigas ang pamahalaan at mga kapitalista, nananawagan ang AMA Sugbo-KMU at buong pwersa ng uring manggagawa sa Cebu na paigtingin ang pagkakaisa, ilunsad ang mga protesta, at singilin ang rehimeng walang malasakit sa sikmura ng mamamayan.

The post Panawagan ng mga manggagawa sa Cebu, ₱1200 na sahod agarang ipatupad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.