Nagpaabot ng pakikiramay ang Special Office for the Protection of Children (SOPC) ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa mga pamilya, kamag-anak, kaklase, guro, at mga komunidad na naapektuhan ng trahedya ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22. Sa isang upisyal na pahayag, binigyang diin ni Coni Ledesma, pinuno ng SOPC na ang trahedyang ito ay hindi lamang trahedya ng indibidwal kundi isang sintomas ng isang nabubulok na sistema.
Ayon sa SOPC, inilalantad ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban ang marahas at mapanirang katangian ng lipunang Pilipino na humuhubog sa buhay ng mga batang Pilipino. “Dapat nitong udyukin ang lahat na itanong kung bakit napakaraming kabataan ang nasasadlak at lumalaki sa kahirapan, panlipunang pagpapabaya, at iba’t ibang anyo ng karahasan,” aniya.
Ipinaliwanag ni Ledesma na sa ilalim ng kasalukuyan sistema, naging normal ang kultura ng karahasan at kawalang pananagutan. Bawat araw, saksi ang mga bata sa matinding kahirapan, pasismo ng estado, korapsyon, at kawalan ng tunay na oportunidad para sa kanilang kinabukasan. Sa ganitong kalagayan, nagiging bahagi ng kamalayan ng bata ang karahasan.
“Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, hindi dapat ibatay ang diskurso ng publiko sa mga indibidwal na aksyon ng mga bata lamang. Dapat ituon ang pansin sa mga panlipunan, pang-ekonomya, pampulitika, at pangkulturang kundisyon na nagluluwal ng marahas na pag-uugali sa hanay ng kabataan,” pagbibigay diin ni Ledesma.
Mariin ding tinutulan ni Ledesma ang anumang pagtatangka ng reaksyunaryong gubyerno na gamitin ang trahedya upang isulong ang mga kontra-batang patakaran.
“Walang puwang sa diskurso ng publiko ang paggamit sa trahedyang ito bilang dahilan upang ibaba ang minimum age of criminal responsibility. Ang mga ganitong panukala ay hindi tumutugon sa ugat ng karahasan at pilit lamang na ibinabaling ang sisi sa mga bata mismo,” paliwanag niya. Binigyang diin niya na ang tunay na isyu ay ang paglalansag sa kultura ng kawalang pananagutan na pinananatili ng naghaharing uri, at hindi ang mas mabigat na pagpaparusa sa mga bata.
Ibinahagi ng NDFP na sa mga rebolusyonaryong erya, aktibong nagpapatupad ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika (gubyerno ng mamamayan) ng mga programa para sa kapakanan ng bata. Kabilang dito ang mga kampanyang literasya at edukasyong nakatuntong sa kalagayan ng kanilang mga komunidad. Layunin ng mga ito na hubugin ang mga bata bilang mga responsableng kasapi ng lipunan na may mataas na kamalayang panlipunan.
“Pundamental sa pananaw ng NDFP ang pagkilala na umuunlad ang mga bata kapag may kapangyarihan ang kanilang mga pamilya at komunidad,” aniya. “Ang kawalan ng lupa, kawalan ng trabaho, mababang sahod, sapilitang migrasyon, at kawalan ng mga serbisyong panlipunan ay nagpapahina sa kapakanan ng mga bata.” Sa gayon, aniya, ang tunay na proteksyon sa bata ay hindi maihihiwalay sa pakikibaka para sa reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, soberanya sa ekonomya, at mga demokratikong karapatan.
Bilang pangwakas, sinabi ni Ledesma na ang tunay na lipunang maka-bata ay isang lipunang nagtitiyak sa mga kundisyong kinakailangan para sa kanilang ganap na pag-unlad at pakikilahok sa buhay-panlipunan bilang mga bata.
“Ang gayong lipunan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagpuksa sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na siyang mga batayang pinagmumulan ng pagsasamantala, pang-aapi, at karahasan na patuloy na nagpapahirap sa mga batang Pilipino at sa kanilang mga pamilya,” aniya. “Sa gayong lipunan lamang tunay na matatamasa ng mga batang Pilipino ang kapayapaan, dignidad, seguridad, at ang pagkakataong maabot ang kanilang pinakamataas na potensyal.”
The post NDFP SOPC: Karahasan sa Tacloban, bunga ng bulok na sistema; tunay na proteksyon sa bata, matitiyak sa pambansang paglaya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

