Nagpupuyos ang damdamin ng kababaihang Mindoreño sa pagbabalik ng mga sundalong 4th IB sa Mindoro.

Ang kanilang pagbabalik na buong pagmamalaking inianunsyo ng paghahatid serbisyong pagtatayo ng iskwelahan sa Barangay Sta. Maria, Mansalay, Oriental Mindoro ay isang gimik na propaganda na naglalayong pagtakpan ang kanilang pang-aabuso at krimen sa mamamayan ng Mindoro. Para sa mga Mindoreña, may mas malalim na dahilan upang ipagtabuyan at isumpa ang presensya ng mga ito sapagkat sa likod ng magandang imahen na nais ipalaganap, tigmak sa dugo at krimen ang rekord ng 4th IB sa isla.

ibinalik ang 4th IB sa Mindoro sa balangkas ng pagsasakatuparan ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), ang kontra-rebolusyonaryong programa ng rehimeng US-Marcos II sa hibang nitong pangarap na durugin ang CPP-NPA-NDF. Subalit hindi lang mga rebolusyonaryong pwersa ang totoong tinatarget ng mga pusakal na ito kundi nakatutok din sa sibilyan ang komponenteng Retooled Community Support Program (RCSP) ng kanilang operasyong militar. Sa kontekstong “igahin ang tubig na nilalanguyan ng isda” upang alisan ng pampulitikang suporta ang rebolusyonaryong kilusan kaya nakikisangkot sila mga aktibidad ng pamayanan. Ang serbisyong pagtatayo ng iskwelahan ay isang halimbawa ng pagpapaganda ng kanilang imahen sa mamamayan na nais siluin ang isip at damdamin at sa proseso ikubli ang pasistang mukha at asal hayop ng mga berdugong ito.

Nasaksihan sa maraming pamayanan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan sa timog Mindoro ang patung- patong na pang-aabuso at kaso ng paglabag sa karapatan pantao sa buong panahon ng kanilang pagkakatalaga dito mula noong 2007 hanggang sa umalis sila noong Oktubre 2025. Pinakatampok sa krimen ng batalyong ito ang pagpatay kay Jay-el Maligday noong April 7, 2024 at Hulyo Aytag noong Marso 14, 2025. Pandaras, pananakot at intimidasyon sa mga sibilyan sa kanilang mga operasyong kombat at RCSPO. Nasa rekord din nila ang pagnanakaw at pagsira sa mga pananim at kagamitan, ang pagpataw ng militaristang kontrol sa aktibidad ng mga mamamayan, kaya napipigilan ang malayang pagtatrabaho at paghahanapbuhay ng mga mamamayan saan man may operasyon ang mga tropa nito.

Hinding-hindi makakalimutan ng mga kababaihan sa timog Mindoro ang pagyurak sa kanilang pagkatao ng mga sundalo ng 4th IB. Sa kanilang pagkakampo at inilulunsad na RCSPO sa mga pamayanan, maraming kababaihan ang nagiging biktima ng pambabastos, panggagahasa at prostitusyon.

Sa isang sityo sa timog Mindoro kung saan naglunsad ang 4th IB ng RCSPO sa loob ng humigit-kumulang isang taon, nakaranas ang 7 kababaihan na mabiktima ng pang-aabusong sekswal ng mga nakakampong sundalo.

Iniimbitahan ang mga kabataang babae sa kanilang kampo. Sa mga sayawan sa baryo nakikilahok sila at dinadala ang mga babae sa dilim at pinagtutulungang hilahin papunta sa kanilang kampo.

Sa kampo, pinagtutulungang gahasain ng mga sundalo ang mga babae. Inilarawan ng isang biktima na habang ginagawa ito ay may nakahawak sa kanyang dalawang paa at kamay upang pigilan ang kanilang pagpalag at sinasampal ng sundalo kapag sila ay umiyak habang inaabuso. Kalaunan ay naging paraan ng sundalo ang pagbabayad sa bawat isang biktimang babae ng dalawang libong piso kada buwan upang patahimikin at hindi magreklamo maging ang mga magulang nito. Dalawa sa biktima ay menor de edad, 2 ang nabuntis at isa ang namatay makaraan ang isang linggo matapos inilabas na may lagnat sa kampo ng sundalo.

Hindi makapagreklamo ang mga kababaihan maging ang kanilang pamilya dahil sa takot at banta sa kanila na huwag magsusumbong. Dahil batid ng mga pamilya ng biktima ang kalupitan ng mga sundalo kaya walang lakas ng loob na magreklamo o maghabla sa mga lider sa pamayanan at sa barangay.

Kaya taliwas sa kanilang ipinagyayabang na nagdadala sila ng kapayapaan sa mga komunidad, takot at pangamba ang muling namamayani sa mga mamamayan lalo na sa mga kababaihan ang muling pagbabalik ng 4th IB sa timog Mindoro.

Ang mga pang-aabuso ng mga 4th IB ay isa lamang sa mga krimen na nagagawa ng mga sundalong may proteksyon ng estado. Pinayayabong ng NAP-UPD ang lupa para umiral ang impyunidad sa mga kasamaan ng pinakakawalan ng mga kasundaluhan at pulis. Ang walang pakundangang paglapastangan sa mga sibilyan ay malinaw na labag sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) at sa internasyunal na batas ng digma. Subalit napapahintulutan ito ng rehimeng US-Marcos II. Kaya sa ultimong pagsusuma, dapat isa ito sa isingil sa pasista, papet, pahirap at korap na rehimen ni Marcos.

Kung kaya nananawagan ang Makibaka na magkaisa ang lahat ng Mindoreño lalo na ang mga kababaihan upang ilantad ang mga kaso ng pang aabuso ng sundalo sa mga kababaihan. Tutulan ang pagkakampo ng mga sundalo sa mga baryo. Sama samang panagutin ang 4th IB sa mga pang aabusong ginawa nila sa mga Mindoreño.

Kasabay nito ang panawagan sa mga opisyales ng lokal na pamahalaan na imbistigahan at huwag nang tanggapin sa inyong nasasakupan ang mga berdugo at kriminal na ito.

Hustisya para sa mga biktima ng 4th IB!

Panagutin ang 4thIB sa kanilang pang-aabuso sa kababaihan at sa mga mamamayan!

4th IB at iba pang batalyon ng AFP lumayas sa Mindoro!

Kababaihan, lumaban at ipagtanggol ang karapatan! Isalin sa rebolusyonaryong pagkilos ang kaapihan!

Lumahok sa digmang bayan!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

The post Pagbabalik ng 4th IB sa Mindoro, kalbaryo sa mga Mindoreño, inhustisya sa kababaihan ng Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.