Kinundena ng Defend Nueva Viscaya Movement ang pagsasampa ng mga kasong sibil kina Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, Fr. Christian Dumangeng, Florentino Daynos, lider ng grupong kontra mina sa Dupax del Norte at anim pang iba, dahil sa kanilang mariing pagtutol sa pagmimina sa Kasibu, Nueva Viscaya. Si Bishop Mangalinao ay isa mga nangunguna sa nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at tumututol sa mga proyektong pagmimina sa Nueva Viscaya, habang si Fr. Christian Dumangeng ay dating Social Action Director ng diyosesis at kasalukuyang station manager ng Radyo Veritas Bayombong.

Ayon sa grupo, malinaw na pagtatangka ito na gawing kriminal ang lehitimong pagtatanggol sa mga lupang ninuno, pinagkukunan ng tubig, at mga ekosistema laban sa mapanirang eksplorasyon at mga aktibidad ng pagmimina.

Isinampa ang mga kaso na “Forcible Entry with Temporary Restraining Order, Writ of Preliminary Injunction at Writ of Preliminary Mandatory Injuction” ng isang Rosario Camma, nagpapakilalang lider katutubo ng Bugkalot/Ilongot. Ayon sa mga residente ng Kasibu, si Camma ay kinakatawan nina Atty. Osingat at Atty. Ordoñez, mga abugado ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC).

Kaugnay ang mga kaso sa pagtatayo at pagmamantine ng barikada laban sa kumpanyang NLMRC na nasa Bugkalot/Ilongot ancestral domain.
Kasalukuyang naglulunsad ng proyektong eksplorasyon ang NLMRC sa 4,456 hektaryang lupain na sumasaklaw sa mga lugar ng Pao, Kakidugen, Pacquet, Dine at Catarawan sa Kasibu.

Sa kabila ng isinampang kaso, hindi pinaburan ng korte ang TRO ngunit magsasagawa ng pagdinig para sa hiniling na Writ of Preliminary Mandatory Injuction sa Hunyo 23.

Ayon kay Atty. Fidel Santos, abugado ng mga sinampahan ng kaso, SLAPP suit o Strategic Lawsuit Against Public Participation ang nasabing kaso.

“Ang SLAPP suit ay isinasampa dahil may intensyong gipitin, inisin, takutin o i-demoralisa yung mga katulad namin ni Obispo na naninindigan sa protection ng ating environment, harassment suit yan para patigilin ang kampanya kontra pagmimina,” paliwanag ni Atty. Santos.

Nagpahayag ng suporta at pakikiisa kay Bishop Mangalinao ang Justice, Peace, and Integrity of Creation Commission (JPICC) ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), Saint Mark’s Parish Cabarroguis – Diocese of Bayombong,Saint Louis College of Solano-Supreme Secondary Learner Government, sina Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Antipolo Bishop Ruperto Santos at si Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay.

The post Pagsasamapa ng kaso laban taong simbahan at tagapagtanggol ng kalikasan sa Nueva Viscaya, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.