Kinundena ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang muling paghahasik ng takot ng 12th Civil Military Operations (CMO) Battalion sa isang komunidad sa Marikina City sa nagdaang linggo. Tinarget ng pananakot ng militar ang mga lider-masa sa komunidad.

Noong Hunyo 17 at 18, tumungo ang mga sundalo, kasama ang isa “surenderi” na nagpakilalang Joel, sa bahay ng isang upisyal ng homeowner’s asassociation sa Agora Compound. Inutusan siyang ilista ang mga pangalan ng mga residente sa compound.

Bago nito, nagsagawa ang 12th CMO Battalion ng medical mission at pamimigay ng karne sa layuning kunin ang loob ng mga residente at hindi kwestyunin ang kanilang presensya sa komunidad.

Nasa bingit ng demolisyon ang kabahayan ng nasa 54 na pamilya sa Agora-harap sa Barangay Sto. Nino, habang nasa 100 pamilya pa sa Agora-tent at Agora-garden ang walang katiyakan sa paninirahan. Sa halip na magkaroon ng kalinawan sa inaasam nilang in-city relocation, kumakaharap ngayon ang mga lokal na residente sa operasyon ng militar.

Ang 12th CMO Battalion ay bantog sa red-tagging, pagmamanman at panggigipit sa mga residente ng North Caloocan at Tondo, Manila. Bukod sa Barangay Sto Nino sa Marikina, inikot na rin ng naturang batalyon ang Barangay Fortune at Barangay Nangka.

Ayon sa GWP, dapat na ilantad ang pagbabalat-kayo ng militar, na siya ring responsable sa pambobomba at pagpatay sa maraming inosenteng mamamayan sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Negros 19. Marapat din na kwestyunin at tutulan ang umiigting na militarisasyon ng Agora at iba pang bahagi ng Marikina.

“Hindi mareresolba ng mga pasistang sundalo ang ating sigaw para sa katiyakan sa paninirahan. Taong 2022 pa may demolition notice subalit nanatili tayo sa Agora dahil sa sama-sama nating pagkilos. Sama-samang pagkilos pa rin ang ating sasandigan para tiyakin ng LGU ang in-city relocation sa ating mga pamilya,” paliwanag ng grupo.

Nananawagan ang GWP sa mga residente ng Marikina City na kagyat na iulat ang presensya ng militar sa mga komunidad, na kadalasa’y naka-sibilyan, at magkaisa na tutulan ang militarisasyon sa syudad.

The post Militarisasyon sa Marikina City, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.