Umalma ang mga manininda sa pampublikong palengke sa Sariaya, Quezon sa pagpapalayas sa kanila ng lokal na gubyerno para bigyang daan ang pagtatayo ng bagong palengke. Nakatanggap ang mga manininda ng abiso mula sa lokal na gubyerno noong Hunyo 15 na nag-aatas sa kanilang lumayas sa pwesto sa loob ng 30 araw.
Sa datos ng lokal na gubyerno, maaapektuhan ng konstruksyon ang mahigit 220 na mga manininda. Mahigit 100 tindahan ang pinalalayas sa kasalukuyam. Samantala, ang kalahati ng mga tindahan ay hindi pa pinaaalis.
Inatasan sila ng lokal na gubyerno na gibain ang sariling mga pwesto kapalit ng ₱10,000 ngayon taon at karagadang ₱10,000 sa 2027. Anang mga manininda, kakarampot at kulang na kulang iyon para sa kanilang pagsisimulang muli. Ililipat sila ng pwesto sa likod ng kasalukuyang palengke ngunit reklamo nila na napakaliit ng kada pwesto kumpara sa dating pwesto, at napakaraming pagbabawal at paghihigpit. “Malulugi kami,” pahayag ng maninindang si Dani.
Makailang ulit na umanong dumulog at sumulat sa iba’t ibang sangay ng gubyerno ang mga manininda subalit wala silang nakuhang makataong tugon at aksyon hanggang sa kasalukuyan. Natatakot rin umano ang samahan ng palengke na kumprontahin ang mga upisyal ng lokal na gubyerno dahil sa posibleng panunupil at paghihiganti.
Ang konstruksyon ng bagong palengke ay alinsunod sa ipinasang ordinansa ng lokal na gubyerno. Walang impormasyon kung mayroong pribadong kumpanyang katuwang ang lokal na gubyerno sa pagtatayo sa bagong palengke. Nanawagan ang mga manininda na ibasura ang anila ay “hindi patas at pantay” na batas.
Sa naging mga karanasan sa Baguio City Public Market, Carbon Public Market sa Cebu City, at konstruksyon ng mga palengke sa Iloilo City, humahantong ang mga proyektong konstruksyon ng bagong palengke sa pribatisasyon, mahal na mga renta at hindi maayos na pamamahala. Naipabasura ng mga sektor sa Baguio City ang pribatisasyon sa kanilang palengke habang nagpapatuloy at umiigting ang pakikibaka sa Carbon Public Market.
The post Mahigit 100 tindahan, mapalalayas sa pagtatayo ng bagong palengke sa Quezon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

