Napatay sa atake ng Hezbollah sa Lebanon noong Hunyo 19 ang kumander ng 52nd Battalion ng kinamumuhiang Israel Occupation Forces (IOF) na si Lt. Col. Dor Gedalia Ben Simhon. Bahagi ang 52nd Battalion ng 401st Brigade, ang yunit na brutal na pumatay sa 5-taong gulang na batang Palestino na si Hind Rajab at anim pa niyang kapamilya noong Enero 29, 2024 sa Gaza.
Kasamang napatay sa atake ng Hezbollah ang tatlo pang sundalong IOF. Bago nito, lubhang nasugatan sa isa pang pag-take ng grupo ang kumander mismo ng brigada na si Colonel Meir Biderman. Desidido ang Hezbollah na tugisin ang lahat ng sangkot sa karumal-dumal na krimen ng pagpatay sa batang Rajab.
Napatay ang mga kapamilya ni Rajab matapos ratratin ng mga sundalong Zionista ang sinasakyan nilang kotse. Nakatawag pa si Rajab sa kanyang ina, na nagpatulong naman sa Palestinian Red Crescent para sagipin ang bata. Umabot sa 335 bala ang pinaulan ng mga Zionista habang kausap ng bata ang dispatser ng Red Crescent.
Pinatay rin ng mga pasista ng naturang brigada ang dalawang paramedic ng Palestinian Red Crescent na sasaklolo sana sa kanya. Pinaputukan ng tangke ang ambulansyang sinakyan nila sa tinatawag na isang “double tap strike” kung saan sadyang pinapatay ng mga Zionista ang mga personel na sumasaklolo sa mga biktima ng mga pambobomba at pang-aatake. Nakuha ang mga labi ng siyam na biktima matapos ang 12 araw dulot ng panghaharang ng mga berdugong IOF sa lugar.
Ipinagbunyi ng mamamayan ng Lebanon at Palestine ang pagkamatay ni Dor Gedalia at mga pwersa ng 401st Brigade. Anila, patunay ito na walang krimen ng imperyalismong US at Zionistang Israel na hindi nila pananagutan. Itinuturing nila itong lubos na makatarungan sa harap ng kainutilan ng mga internasyunal na institusyon at korte para panagutin ang mga Zionistang halimaw.
The post Kumander ng batalyong pumatay sa batang si Hind Rajab, napatay sa atake ng Hezbollah sa Lebanon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

