Tinutuligsa at mariing pinasusubalian ng mamamayang Lagunense ang kabaliwan ng rehimeng US-Marcos II sa pangunguna nina DILG Sec. Jonvic Remulla, Southern Luzon Commander Lt. Gen. Cerilo Balaoro Jr., at 2nd ID Commander Maj. Gen. Ramon Zagala na ideklarang nasa “Stable Internal Peace and Security” (SIPS) na ang Calabarzon, kabilang ang lalawigan ng Laguna, noong Hunyo 12, kasabay ng Araw ng Huwad na Kalayaan.

Ang deklarasyong ito ay tanda ng paghahandog ng GRP sa rehiyon, kasama na ang Laguna, sa interes ng imperyalistang interes ng US na numero unong terorista sa buong mundo. Ginagamit ito upang bigyang kalayaan ang mananalakay na US sa ilalim ng halimaw na Presidente nitong si Donald Trump na gamitin ang rehiyon sa gerang agresyon at pang-ekonomikong interes, katulad Balikatan Exercises at Luzon Economic Corridor.

Sa pamamagitan ng kahibangang ito, itinatanggi ng papet na reaksyonaryong estado ang tunay na dahilan ng armadong paglaban ng sambayanan. Sa Laguna, nananatiling nakapako sa napakababang halaga ang sahod ng mga mangaggawa, habang walang patid ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Tuloy-tuloy ang pagtulak sa mga proyektong LLRN, windmill, floating solar panels atbp. na siyang sisira sa kalikasan at hindi naman tunay na mapakikinabangan ng mamamayan, bagkus ay magreresulta ng malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka, mangingisda, at maralita.

Imbis na tugunan ang kagutuman, pang-aapi, at pagsasamantala na nararanasan ng sambayanan, ang solusyon na isinusubo ng rehimeng US-Marcos sa mga panlipunang suliraning ito ay pagbubuhos ng mas maraming pondo para sa militarisasyon at pasismo. Paulit-ulit na nagkakamali ang reaksyunaryong estado. Hindi mapasusubalian ng pekeng deklarasyong ‘SIPS’ ang katotohanang ang bulok at pasistang estado ang siyang nagtutulak sa mamamayan sa landas ng rebolusyon.

Walang tunay na kapayapaan habang nananatili ang kontrol ng imperyalismong US at ng mga lokal na alipin nito sa ating bayan. Ang tanging daan para sa tunay na makabuluhang pagbabago ay ang landas ng digmang bayan. Sa pamamagitan ng wasto at absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa NPA, tiyak ang tagumpay ng sambayanan!

The post Hindi kailanman nawala ang rebolusyonaryong kilusan sa Laguna at buong Timog Katagalugan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.