Naglunsad ng armadong aksyon ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) laban sa nag-ooperasyong tropa ng 20th IB sa Barangay Catotoogan, Las Navas, Northern Samar noong Hunyo 4 ng alas-2:37 ng hapon. Naunang nakapamutok at aktibong nakapagdepensa ang Pulang hukbo laban sa nag-ooperasyong mga sundalo.

Limang tropa ng 20th IB ang napatay at maraming iba pa ang nasugatan. Dalawang sugatang sundalo lamang ang inamin ng 20th IB na kaswalti nito. Mismong mga residente ng komunidad ang nag-ulat ng kaswalti sa hanay ng mga sundalo na pinatunayan pa ng tuluy-tuloy na pagdating ng mga ambulansya noong gabi. Gumamit rin ng helikopter ang 20th IB para makuha ang mga kaswalti sa hanay nito.

Samantala, ligtas na nakaatras ang yunit ng Pulang hukbo matapos ang limang minutong pagpapaputok nito laban sa mga sundalo. “Labis na nagimbal ang 20th IB sa kanilang kabiguan,” pahayag ni Ka Amado Pesante, tagapagsalita ng BHB-Northern Samar.

Aniya, katawa-tawa ang pahayag ng 20th IB sa mga komunidad na tatlong platun ng BHB ang lumusob sa kanila sa kabila ng nauna nilang mga deklarasyong nabuwag na ang mga larangang gerilya sa prubinsya. “Sila mismo ang nagsasabi sa masa na marami pang NPA,” ayon kay Pesante. Dagdag ng tagapagsalita, patunay ang insidente ng mahusay na taktikang gerilya at superyor na kaalaman sa tereyn ng hukbong bayan.

Pinasinungalingan rin ng BHB-Northern Samar ang pahayag ng 20th IB na may nakuhang mga armas mula sa Pulang hukbo at mayroong kaswalti sa hanay nito. Anito, desperado itong hakbang para pagtakpan ang pagkatalo ng mga sundalo.

“Ang matagumpay na pagtatanggol sa sarili ng Rodante Urtal Command ay patunay ng pagpupunyagi ng BHB sa landas ng digmang bayan,” pahayag ni Pesante. Dagdag niya, ang mga putok ng baril ng hukbong bayan laban sa mga pasistang sundalo at kinakatawan nitong reaksyunaryong estado ay nagbibigay pag-asa sa mamamayan.

The post BHB-Northern Samar, aktibong nakadepensa laban sa 20th IB, 5 sundalo patay appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.