Naglunsad ng environmental investigation mission (EIM) ang mga progresibong grupo ng mga pambansang minorya, mga tagapagtanggol ng kalikasan at syentista noong Mayo 28 hanggang 30 upang siyasatin ang epekto ng Olongapo Solar Power Project ng kumpanyang Aboitiz Renewable Inc. sa mga komunidad sa Zambales. Kabilang sa mga lumahok sa misyon ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, grupo ng mga Ayta na Pamilalamu, Agham-Advocates of Science and Technology for the People, Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa Katutubo, Kabataan Para sa Tribung Pilipino, at Siklab Philippine Indigenous Youth Network.

Batay sa inisyal na pagsusuri, malinaw ang lantarang paglabag sa proseso ng kumpanya sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC). Ayon sa mga myembro ng komunidad, walang inilunsad na tunay na konsultasyon sa mga apektadong komunidad ng mga Ayta. Tanging mga piling lider at indibidwal na nasa katungkulan lamang ang kinonsulta, habang hindi kasama ang buong komunidad sa pagbubuo ng desisyon. Hindi rin ipinaliwanag nang maayos sa mga residente ang proyekto at maging ang epekto nito sa komunidad.

Ang proyekto ay sumasaklaw sa lupaing ninuno ng mga Ayta Amianan at Ayta Ambala. Apektado din ang Bundok Balimpuyo, isang mahalagang bahagi ng saribuhay ng Olongapo City at ng ilog ng Sta. Rita na may mahalagang papel sa lokal na ekosistema at maasahang pinagkukunan ng tubig ng mga komunidad.

Kahit noong nasa Phase 1 pa lamang ang proyekto, marami nang nakikitang usapin ang mga residente. Halimbawa nito ang masasamang epekto na dala ng proyekto sa kalikasan at ekonomya, mga pekeng pangako, kwestyunableng paraan ng pagkuha ng mga permit at paglabag sa karapatan ng mga katutubo. Naiulat din ang pamimilit at panlilinlang upang matulak ang mga katutubo na ibenta ang bahagi ng kanilang lupaing ninuno para sa proyekto.

Nang mailatag na ang proyekto, kailangan nang maglakad ng mga residente nang lagpas tatlong oras mula sa dating isang oras para sa pagdadala ng kanilang produktong kamote, saging at luya sa palengke. Naging kapansin-pansin ang matinding pag-init ng panahon na nakaapekto sa kanilang pagtatanim tuwing tagtuyot. Naiulat din ang pagliit ng mga ilog, pagkatuyo ng mga bukal at pagkatuyo ng lupang tinatamnan.

“Ang renewable energy ay mahalaga sa transisyon mula sa fossil fuels at sa pagharap sa krisis ng klima…ngunit hindi ito maituturing na “kaunlaran” kung ito ay nagdulot ng pagkasira ng kalikasan, pagpalayas ng mga residente at paglabag sa karapatan ng mga katutubo,” paliwanag ng mga grupo.

The post Proyektong solar power ng Aboitiz, sumira sa kalikasan, pamumuhay at kabuhayan ng mga katutubo sa Olongapo City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.