Tatlumpu’t walong taon na mula nang isabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ngunit nagdurusa pa rin ang mga magsasaka sa Pilipinas sa kawalan ng lupa at labis na kahirapan. Nananatiling 7 sa 10 magsasaka sa Timog Katagalugan ang walang sariling lupa. Mahigit 60% ng mga magsasaka sa Pilipinas ay mga maralita at pana-panahong nagiging mangggagawang bukid dahil wala o kulang ang kanilang kinikita sa sinasakang lupa.

Habang pinalalabas na may reporma sa lupa ang reaksyunaryong estado, laging may butas ito na nagpapahintulot sa pananatili ng lumang pyudal na relasyon sa pagitan ng panginoong maylupa at tenanteng magsasaka. Sa pagsasabatas ng CARP sa ilalim ni Corazon Aquino noong 1988, itinuring ang usapin ng reporma sa lupa bilang isa lamang negosyong pinagkakakitaan ng panginoong maylupa sa kapinsalaan ng mga tenante o magsasakang nagbubungkal. Ipinailalim ang mga lupain sa boluntaryong pagbebenta ng mga panginoong maylupa ng kanilang lupa. At madali lamang itong takasan sa pagdedeklara sa malalawak na lupain bilang di-agrikultural na lupain at sa gayo’y hindi maaaring isailalim sa repormang agraryo. Madali lamang din para sa mga PML na iwasan ito sa pamamagitan ng stock distribution scheme at pagpapalit-gamit ng lupa.

Hindi kinakayang bayaran ng mga “benepisyaryo” ang buong presyo ng lupang “ipinamahagi” at kadalasang nalulugi pa dahil sa napakaatrasado ng agrikultural na produksyon, hindi sapat na ani at napakababang halaga ng produktong bukid na binibili sa mga magsasakang prodyuser. Dahil dito, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang CLOA at sa gayo’y marerekonsentra lamang ang lupang “ipinamahagi” sa kamay ng mga panginoong maylupa. Upang makapagmaniobra at maiwasan ang reporma sa lupa, ipinamamana o ipinamamahagi ng mga panginoong maylupa ang kanilang lupa sa kanilang mga kapamilya upang samantalahin ang umiiral na maksimum na lawak ng pagmamay-aring lupa, o di kaya’y gumagamit ng sistemang leasehold, leaseback agreement, joint venture agreement, growers’ agreements, at management contract, at kahit pa nga mga pekeng kooperatiba kung saan malaki pa rin ang kaparte ng mga panginoong maylupa sa produksyon.

Pinatunayan ng CARP na hindi magawang ipatupad ng reaksyunaryong gubyerno ang tunay na reporma sa lupa dahil nais nitong panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Katunayan, sumasahol ang kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas lalo sa larangan ng agrikultura kung saan patuloy na bumabagsak ang sektor ng agrikultura, forestry and fishing (AFF) sa gross domestic product ng Pilipinas, na may 8.9% noong 2022, tungong 8% noong 2024 at 7.9% na lamang sa taong 2025, pinakamababa sa kasaysayan. Dagdag pa ang deka-dekada nang paghambalos ng mga neoliberal na mga patakaran sa agrikultura kung saan unti-unting pinapatay ang mga lokal na industriya sa bansa lalo na ang agrikultura. Lumiit din ang bilang ng mga nagtatrabahong Pilipino sa larangan ng agrikultura mula 45% noong 1991 tungong 20.6% noong 2024. Dumaraming magsasaka rin ang napapabilang sa impormal na sektor upang mabuhay — humanap sila ng ibang trabahong di-agrikultural lalo sa panahon ng patlang sa tag-ani at kapos ang kita.

Repleksyon ng pagiging huwad ng reporma sa lupa ng estado ang katotohanang nananatiling ang uring magsasaka ang pinaka-naghihirap sa buong bansa, Ang kabuuang 86.8% poverty incidence ay mga pambansang minorya (32.4%), mga mangingisda (27.4%) at mga magsasaka (27%). Ganito pa ang resulta samantalang pinabababa pa ang poverty threshold tungong ₱92 kada tao.

Upang pagtakpan ang kawalan ng programa sa reporma sa lupa at sa pagtatangkang pahupain ang galit ng mga magsasaka, ipinasa ni Marcos Jr ang New Agrarian Emancipation Act, kung saan “pinatawad” ng gubyerno ang mga utang ng mga 610,000 benepisyaryo ng CARP. Kung tutuusin, napwersa ang gubyerno na gawin ito dahil sa patuloy na pakikibaka ng masang magsasaka para sa libreng pamamahagi ng lupa. Gayunman, wala pa ring tunay na repormang agraryo ang reaksyunaryong gubyerno at hindi nito nilulutas ang malaon nang suliranin sa lupa ng masang magsasaka.

Umaarangkada rin ang liberalisasyon sa lupa at agrikultura ng bansa kabilang ang pagpapaloob ng rehimeng US-Marcos sa bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership at sa Indo-Pacific Economic Framework ng US na kapwa higit na pipilay sa lokal na ekonomya upang patuloy na sumalig sa imperyalismo. Pababahain ng RCEP at ng Rice Tariffication Law (RTL) ang bansa ng imported na mga produktong agrikultural, habang pag-iibayuhin ng mga patakarang Support to Parcelization of Land for Individual Titling (SPLIT) project at ng Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up ang produksyong nakatuon sa eksport ng Pilipinas.

Hindi kailanman aasahan ang reaksyunaryong gubyerno na bitbitin ang interes ng uring magsasaka dahil ang nakatayong estado ay estado ng mga panginoong maylupa at iba pang nagsasamantalang uri. Ito ang instrumento ng uring panginoong maylupa upang panatilihin ang pyudalismo sa kanayunan para pagsamantalahan at apihin ang masang magsasaka.

Tunay na mawawakasan lamang ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka kung wawakasan ng estado ang monopolyo sa lupa, libreng ipapamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal nito, magtataguyod ng kooperatibisasyon, magbibigay ng malaking suporta sa mga magsasaka at magtatayo ng industriya sa kanayunan tungong pambansang kaunlaran. Ang ganitong programa ang tunay na lulutas sa panlipunang inhustisya, kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan, kakulangan ng pagkain para sa mamamayang Pilipino at marami pang iba.

Sa patuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga magsasaka, nababatid nilang hindi makakamit ang tunay na reporma sa lupa sa ilalim ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal kahit pa nagpalit-palit na ang mga rehimen. Tanging sa pagwawakas sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan ng Pilipinas mawawakasan din ang paghahari ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at mga burukrata kapitalista.

Pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ang rebolusyong agraryo na magpapatupad ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang nagbubungkal na wala o kulang sa lupa. Ang rebolusyonaryong kilusan, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang tunay at sinserong nagsusulong ng reporma sa lupa para sa mga magsasaka. Sa minimum na programa nito, ibababa ang upa sa lupa, papawiin ang usura at ibababa ang tantos ng interes, patataasin ang sahod ng mga manggagawang bukid, patataasin ang presyo ng mga produktong bukid na binibili sa mga magsasaka at pauunlarin ang produksyon ng mga magsasaka. Maksimum na programa nito ang pagkumpiska sa lupa ng mga panginoong maylupa at libreng pamamahagi nito sa mga magsasakang wala at o kulang sa lupa. Sa pagsasakatuparan nito, kaagapay ng sambayanang Pilipino ang New People’s Army bilang tunay na Hukbo ng mamamayang magtatanggol sa interes ng uring magsasaka at maggagawad ng hustisya sa sinumang panginoong maylupa, mga kasabwat nito at iba pang naghaharing-uring may utang na dugo sa sambayanang Pilipino.###

The post CARP@38: Pekeng reporma sa lupa at maka-panginoong maylupa hanggang sa rehimeng Marcos II appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.