Napalayas ng mga residente ang tropa ng 105th IB na naglulunsad ng kontra-insurhensyang Retooled Community Support Program (RCSP) sa Sityo Green Valley, Barangay Nalus, Kiamba, Sarangani. Ang naturang yunit ng militar ay ilang buwan nang nagkakampo sa naturang barangay.

Noong Hunyo 2, tuluyan silang napaalis dahil sa pagtindig ng masa. Nagkakaisang kumilos ang mga residente at gumawa ng mga hakbang para mapalayas ang mga sundalo. Nakasama nila sa anti-pasistang paglaban ang mga lider ng sityo at ilang upisyal ng barangay.

Kabilang sa ginawa ng mga residente ang sama-samang pag-alis sa sentro ng barangay para tumira sa ibabang bahagi ng komunidad. Sinusuway rin nila ang mga utos ng mga sundalo katulad ng pagpapabli ng suplay, pag-iigib ng tubig at iba pa.

Labag ang pagkakampo ng militar sa sentro ng barangay sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Isa itong kasunduang pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands na partikular na nakatuon sa mga eryang mayroong armadong sigalot.

Nilabag nito ang Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 12 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon ay may karapatang mapangalagaan laban sa mga risgo at bantang nagmumula sa pag-iral ng mga kampo militar sa mga sentrong urban at iba pang matataong lugar.”

Nagsisilbing kumander ng 105th IB si Lt. Col. Erikzen Dacoco na itinalaga noon lamang Pebrero. Ang batalyon ay mahigit tatlong taon pa lamang mula nang binuo sa ilalim ng 6th ID noong Pebrero 2023. Nakabase ito sa Sityo Matinong, Barangay Little Baguio, Surallah, South Cotabato.

The post Mga sundalong nagkakampo sa barangay sa Sarangani, pinalayas ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.