Matagumpay na idinaos sa pangunguna ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Ika-6 na Internasyunal na Teoretikal na Kumperensya na may paksang “Pasismo at Imperyalismo sa mga Neokolonya sa Ika-21 siglo” noong Mayo 22–23 sa Kathmandu, Nepal. Nilahukan ito ng halos 200 kinatawan mula sa 17 bansa, na binubuo ng mga partido komunista, mga partidong manggagawa, mga grupong nagbubuo ng partido, mga rebolusyonaryong organisasyon, mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya, at mga progresibong organisasyon.
Ang aktibidad ay ikalawa sa dalawang magkasunod na kumperensya na tumalakay sa usapin ng pasismo sa ika-21 siglo. Ang sinundan nitong kumprensya ay tumalakay sa pasismo sa mga pusod ng imperyalistang bayan at mga industriyalisadong kapitalistang bansa.
Sa pamamagitan ng pagtalakay sa 17 teoretikal na papel, pinalalim ng asembliya ang pag-unawa sa pasismo bilang produkto ng krisis ng imperyalismo. Binigyang diin kung papaanong ginagamit ng mga imperyalista at papet na rehimen ang pasismo sa pamamagitan ng programang kontra-insurhensya at iba’t iba pang anyo ng paniniil, para panatilihin ang kanilang yaman at kapangyarihan.
Humango ang kumperensya ng mga aral mula sa mga kontribusyon nina Lenin, Stalin at Dimitrov, kabilang ang mga aral at kaalamang nakalap mula sa ikalimang teoretikal na kumperensya ng NDFP, upang masuri ang makasaysayang pag-unlad at pang-angkop ng pasismo sa ika-21 siglo sa mga neokolonya na bansa. Binigyang diin sa kumperensya ang kagyat na pangangailangan na magbuo ng malawak na nagkakaisang prente ng mga manggagawa, intelektwal, at iba pang inaaping sektor upang epektibong harapin at gapiin ang pasismo.
Tinapos ang kumperensya sa pamamagitan ng sintesis ng mga talakayan, pagpupugay sa mga martir ng digmang bayan at mga rebolusyon sa mga neokolonya at pag-awit ng Internationale.
Ugat ng pasismo sa Pilipinas
Sa artikulong ibinahagi ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na pinamagatang “Isulong ang digmang bayan para bunutin ang ugat ng pasismo at imperyalismo sa mga neokolonya,” binaybay ang kasaysayan at ebolusyon ng pasismo at neokolonyal na pasistang estado sa Pilipinas.
Pinag-iba nito ang proseso ng pag-usbong ng pasismo sa mga kapitalistang bansa at sa mga neokolonya. Sa mga sentro ng imperyalismo, ang pasismo ay umusbong bilang reaksyunaryong kilusan (ultra-nasyunalista at anti-komunista) na sinasamantala ang krisis ng kapitalismo upang agawin ang kapangyarihan at supilin ang uring manggagawa. Sa mga neokolonya, lumitaw ang pasismo sa pamamagitan ng imperyalistang pagsikil sa pambansang paglaban para bigyang daan ang walang-sagkang pandarambong ng mga dayuhang kapitalista at kasabwat na lokal na naghaharing uri.
Ang pasismo sa Pilipinas ay hindi likas na umusbong kundi ipinataw ng imperyalismong US sa anyo ng estadong neokolonyal. Iniluwas ng US ang pasismo sa Pilipinas kasabay ng pagtindi ng krisis ng monopolyong kapitalismo. Habang pinananatili ang burges-demokratikong sistema sa sariling bansa, isinagawa nito ang brutal na pasistang pagsakop at anti-komunistang panunupil sa Pilipinas. Sa paglipas ng panahon, lalong tumindi ang panunupil na ito sa pamamagitan ng mga doktrinang kontra-insurhensya na nakabatay sa mga manwal ng US.
Mula sa mga nakaraang papet na rehimen hanggang sa kasalukuyan, nagpatupad ang estado ng iba’t ibang kampanyang militar at mga mapaniil na batas tulad ng Anti-Terror Law at Executive Order 70 upang sistematikong supilin ang mga aktibista, mamamahayag, at mga kritiko. Gumagamit rin ng mga mekanismo ang estado upang lubos na maghari, kabilang ang pagpapataw ng hindi hayag na batas militar, pagpapatupad ng mga batas upang maging lehitimo ang pasistang panunungkulan, kontrol sa ideolohiya at midya, at paggamit ng abanteng teknolohiyang militar para sa pagmamanman at pagsupil sa mga rebolusyonaryong kilusan.
Sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, isinusulong sa Pilipinas ang demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang paghahari ng imperyalismong US at kasabwat na mga naghaharing uri. Sa ganitong paraan lamang mawawakasan ang pasismo.
The post Teoretikal na kumperensya hinggil sa pasismo at imperyalismo sa mga neokolonya sa ika-21 siglo, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

