Nagpahayag ng galak ang Karapatan at International Coalition for Human Rights in the Philippine (ICHRP) sa pagkabigo ng rehimeng US-Marcos na makuha ang di permanenteng pwesto sa United Nations Security Council. Anila, tagumpay ito ng laban sa pagsisiwalat sa mga krimen at mga paglabag ng regimen sa internasyunal na makataong batas. Nakakuha lamang ng 49 boto ang Pilipinas laban sa Kyrgyzstan, na nakakuha ng 142 boto sa ikaapat na round ng botohan.

Naging myembro ang Pilipinas ng UN Security Council noong 1980–1981 sa ilalim ni Marcos Sr at noong 2004–2005 sa administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo. Taun-taon, pumipili ang UN General Assembly ng limang di-permanenteng kasapi para sa 15-kasaping Security Council na may tig-dalawang taong termino. Ang mga pwesto ay hinahati ayon sa rehiyon upang matiyak ang heograpikal na balanse, kasama ang limang permanenteng kasapi- China, France, Russia, United Kingdom, at United States. Ayon sa mga tuntunin, sinusuri ang mga bansang kandidato batay sa ambag nila sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad, gayundin sa kanilang pagsuporta sa mga layunin at prinsipyo ng UMM.

Ayon sa ICHRP-USA, winaldas ni Marcos Jr ang ₱20 milyon mula sa buwis ng mamamayang Pilipino para ikampanya ang pwesto sa UN mula pa 2022. Pinili ng rehimen na gamitin ang pera ng taumbayan para sa sariling interes sa halip na magbigay ng sapat na serbisyo sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa.

“Ang pagkatalo ni Marcos Jr na makuha ang pwesto ay nagpapakita ng kanyang kabiguan na linisin ang masamang reputasyon ng kanyang pamilya at ng sarili niyang administrasyon. Ang masamang reputasyong ito ay kaugnay ng pagiging norotyus ng mas nauna sa kanya na si Rodrigo Duterte, na nakatakdang litisin sa International Criminal Court (ICC) para sa krimen laban sa sangkatauhan,” paliwanag ni Peter Murphy, tagapangulo ng ICHRP.

Binigyang-diin din ng ICHRP na ang isang gubyernong na tulad kay Marcos na pinagtatakpan ang pagpaslang sa mga sibilyan at sumisikil sa mga tumutuligsa ay hindi dapat gantimpalaan ng puwesto sa UN Security Council. Ang ganitong posisyon ay maaaring magpalakas ng loob sa rehimen na paigtingin pa ang panunupil laban sa mahihirap at sa mga Pilipinong ipinaglalaban ang kanilang karapatan.

Ayon sa datos ng Karapatan, mula nang maupo si Marcos Jr. hanggang Disyembre 2025, may 135 kaso ng ekstrahudisyal na pagpaslang, 16 kaso ng sapilitang pagkawala, at 826 kaso ng arbitraryong pag-aresto. Kasalukuyang may 699 na bilanggong pulitikal sa bansa, 125 sa kanila ay inaresto sa ilalim ng kanyang rehimen. Isa ang Pilipinas sa may pinakamapaniil na rehimen sa Southeast Asia.

“Kabaligtaran na para sa kapayapaan si Marcos Jr., …siya ay nagdadala ng kapahamakan sa kanyang bansa at sa rehiyon,” ayon kay Murphy.

Bukod sa masamang rekord na sa karapatang pantao, pinalalawak din ng administrasyon ang halos tuloy-tuloy na ehersisyong militar kasama ang US, Australia, at Japan bilang paghahanda sa posibleng digmaan laban sa China.

“Ang gubyerno ni Marcos ay hindi kikilos bilang isang independyenteng aktor sa UN Security Council. Ang lumalaking pag-asa nito sa suporta ng US sa militar, ekonomya at diplomasya ay nangangahulugang ang lugar ng Pilipinas ay, sa katunayan, magsisilbing de facto na pagpapalawig ng impluwensya ng Washington, na magbibigay sa US, hindi lamang ng isang boto kundi ng isang ‘echo vote’ sa loob ng konseho upang bigyang-katwiran ang mga krimen nito sa digmaan,” dagdag ni Murphy.

Ayon sa Karaptan, ang pagsunod ni Marcos Jr. sa mga dikta ng US ay nagresulta na ng papuri mula sa US Defense Secretary na si Peter Hegseth lalo sa kunwa’y pagtutok nito sa “external defense,” interoperability sa pwersang militar ng US, at sa malaking dagdag sa badyet sa depensa.

Ang mga “papuri” ni Hegseth sa masunuring alyado ng US ay sinabayan ng pagpuna sa iba pang kaalyado na hindi umano sapat ang ginagastos sa seguridad ayon sa nais ng US. Inaasahan ng rehimen ni Marcos Jr. at ng naghaharing uri na pagkakalooban sila ng mga pabor kapalit ng kanilang pagiging “mabubuting bata” sa kanilang among US.

The post Pagkabigo ni Ferdinand Marcos Jr na makuha ang puwesto para sa UN Security Counci, ikinagalak ng mga nagtatanggol sa karapatang-tao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.