Animo’y palaruan ng mga tropa ng imperyalismong US at mga alyado nito ang Pilipinas sa ginagawa nitong kaliwa’t kanang mga operasyong militar sa tabing ng mga wargames at “malayang paglalayag” sa teritoryong dagat ng bansa. Matapos ang Balikatan 2026, agad na ikinasa ng US ang kasunod na mga wargames na Salaknib, Kasangga, at Marine Exercise (MAREX). Kasabay ng mga ito ang panunulsol ng gera ng US sa karagatan, sa tabing ng Bilateral Maritime Cooperative Activity.

Nilalahukan ng mahigit 8,000 tropa mula sa US, Japan, Australia, at Pilipinas, at may presensya ng mga tropa ng New Zealand at Canada ang mga wargames sa kalupaan. Taliwas sa sinasabing ang mga ito ay para sa “eksternal na depensa,” komun sa mga ito ang mga kontra-insurhensyang operasyon na isinagawa sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda sa kanayunan.

Sa Luzon, isinasagawa ng US ang Salaknib 2026 na nilahukan ng mga hukbong pangkati ng US, Pilipinas, at New Zealand, at ng Japan Ground Self-Defense Force. Inensayo nito ang paglilipat-lipat ng mga gamit-militar sa pagitan ng mga isla sa kunwa’y “archipelagic defense.” Tumutok ang wargames sa “pag-eensayo” sa gerilyang mga taktika sa kagubatan (jungle warfare at mga small unit tactic) sa mga kundisyong “real time.” Ginamit dito ang Joint Pacific Multinational Readiness Center-Exportable (JPMRC-X) para magtayo ang mga “jungle combat training center.” Tulad sa Balikatan, malamang na isinagawa ito sa maraming tagong lokasyon, liban sa isinapublikong mga pag-eensayo sa Zambales at Northern Luzon. Umaabot nang tatlong buwan ang pagsasagawa ng Salaknib.

Sa Camarines Sur, inilunsad ang Kasangga 2026-1 mula Mayo 26 na nilalahukan na mga tropa mula sa Australian Army. Pokus nito ang operasyong paniktik at kombat, at kaakibat na jungle warfare. Bago pa ito, inianunsyo ang pagsasagawa ng naturang wargame, lumapag na ang dayuhang mga tropa sa prubinsya. Ginamit ng mga ito ang mga baybayin at bulubunduking bahagi ng Pasacao, Balatan, San Fernando, Libmanan, at Ragay. Maglalagi sila dito nang isang buwan.

Sa Mindanao, isinasagawa ng US ang MAREX 2026 sa Maguindanao del Norte kasama ang Philippine Marine Corps at US Marine Rotational Force-Darwin (MRF-D). Tulad ng Salaknib, tutok nito ang tulad ng jungle patrol sa labas ng Camp Iranun at pagpapaputok ng artileri malapit sa matataong lugar sa Datu Blah Sinsuat at Barira.

Sa karagatan, inilunsad ng US Coast Guard ang panunulsol sa China sa tabing ng Bilateral Maritime Cooperative Activity (MCA) na nilunsad nito malapit sa Bajo de Masinloc noong Mayo 26-30. Lalo itong nagpatindi sa tensyon sa South China Sea at lantarang panunulsol sa China.

Walang patid na ligalig at pinsala sa mamamayan

Tulad sa naunang mga wargames, ang mga operasyong ito ay nagdudulot ng matinding perwisyo sa mga Pilipino. Pinapasok ng mga dayuhang tropa ang mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda, hinihigpitan ang kilos ng mga residente, at pinagbabawalan silang maghanapbuhay. Sa Bicol, napaulat ang paglipana ng dayuhang mga tropa sa Barangay Mainit, Pasacao at di bababa sa 20 pang barangay. Nagtayo ang mga sundalo ng mga tsekpoynt sa daan.

Ganito rin ang kalagayan sa mga prubinsya sa Mindanao sa kung saan may presensya ng dayuhang tropa para sa MAREX. Nagdulot ng ligalig sa mga residente ang panganganyon at paghihigpit sa kanilang kilos ng mga itinayong tsekpoynt sa mga kalsada.

Sa Zambales, muling ipinagkait sa mga mangingisda ang kanilang kabuhayan ng ipinataw na “no sail zone” para bigyan-daan ang wargames. Sinaklaw ng pagbabawal ang 11 bayan, kabilang ang Masinloc at Subic. Mahigit 4,840 mangingisda sa Subic pa lamang ang nawalan ng kita dahil dito. Bukod sa gutom, inirereklamo rin ng mga residente ang pagkasira ng mga koral at pagtataboy sa mga isda dulot ng ingay at polusyon mula sa mga dambuhalang barkong pandigma at kanilang mga pagpapasabog ng mga misayl.

The post Mga tropa ng US, nagsasagawa ng mga kontra-insurhensyang operasyon sa tabing ng war games appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.