Siyam na taon matapos ang madugong Marawi Siege noong 2017, nananatiling “bakwit” sa sariling lunsod ang libu-libong pamilyang Meranaw. Sa isang hybrid na porum na ginanap sa Cagayan de Oro City noong Mayo 25, muling nanawagan ang mga biktima para sa Kambalingan o ligtas, marangal, at tunay na pagbabalik sa kanilang mga komunidad. Layon ng porum na pinamagatang “Reflections on Parallelism Between Marawi, Gaza, and Iran” na ipakita ang pagkakatulad ng padron ng dislokasyon at militarisasyon sa Marawi City at sa Gaza Strip sa Palestine at Iran.

Hanggang ngayon, marami sa mga residente sa tinaguriang “Most Affected Area” (MAA) ay hindi pa rin pinapayagang makabalik. Sa halip na ibalik sa mga residente, tinayuan ng estado ng mga proyektong pang-imprastruktura ng estado ang mga lupa sa apat na barangay sa MAA.

Binabatikos ng mga grupo, tulad ng Reclaiming Marawi Movement (RMM), ang pagbibigay prayoridad ng magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos na magtayo ng engrandeng mga imprastruktura imbes na mga batayang serbisyo. Umabot sa ₱1.17 bilyon ang ginastos para sa mga proyekto tulad ng Sarimanok Sports Stadium (₱199.9 milyon) at Lake Lanao Promenade (₱380 milyon). Ayon kay Propesor Tirmizy Abdullah ng RMM, ang komersyalisasyong ito ay isang “sadyang atake” sa kultura ng mga residenteng Meranaw. Samantala, naghihirap ang mga residenteng bakwit sa mga pansamantalang tirahan na walang sapat na tubig, kuryente, at sanitasyon.

Nananatiling mabagal ang proseso ng pagbibigay ng kumpensasyon sa mga biktima. Sa kasalukuyan, nasa 3,187 claims pa lamang ang naproseso ng Marawi Compensation Board (MCB) mula sa tinatayang 14,497 aplikante. Katumbas lamang ito ng 22% ng lahat ng mga biktima. Marami ang nahihirapan dahil sa masalimuot na proseso at pagkawala ng kanilang mga papeles noong panahon ng Marawi Siege.

Pakitang-tao at malayong hindi nakasasapat ang mga hakbang ng rehimeng Marcos, tulad ng pagbibigay ng 392 yunit ng pabahay sa mga bakwit noong Mayo. Sa ngayon, mahigit 17,000 pamilya pa ang nananatili sa ebakwasyon at nahaharap sa banta ng pagpapalayas dahil sa magtatapos na ang mga kasunduan sa pag-upa sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga temporaryong tirahan.

The post Panawagan ng mga bakwit ng Marawi para sa “kambalingan” at hustisya, nagpapatuloy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.