Kinundena ng mga progresibong grupo sa Camarines Sur at rehiyong Bicol ang pagbibigay proyoridad ng lokal na gubyerno ng prubinsya sa magastos na Ka-ogma Festival 2026 sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasakang apektado ng krisis sa ekonomya at ng tagtuyot na dulot ng penomenong El Niño.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) at NNARA Youth Bicol, napaka-inutil ni Lray Villafuerte, gubernador ng prubinsya, na kailangang mangutang ng lokal na gubyerno ng ₱200 milyon para sa ayuda samantalang gumastos ito ng humigit-kumulang ₱75 milyon para sa anim na araw na konsyerto at mga aktibidad pang-aliw.
Batid nila na ang Ka-ogma ay isang gimik ng mga Villafuerte upang pagtakpan ang kanilang pagiging ganid sa lupa at pang-aapi at pagsasmantala sa mga magsasaka sa Camarines Sur.
Noong Pebrero, nalantad ang pangangamkam ng lupa at pambabakod ng Wanderlust Land Development Corp., kumpanya ni Villafuerte, sa 1,014.92 ektarya na lupang timberland sa Barangay Salvacion, bayan ng Siruma. Kasabay na nalantad ang walang habas na pagpapalayas sa mga magsasaka at residente sa 200 ektaryang sakahan at residensyal sa mga barangay ng Cadlan, Sagurong at San Jose sa bayan ng Pili upang bigyang daan ang Uptown/Iconic Capitol na pinaglulunsaran ngayon ng Kaogma Festival. Plano itong tayuan ang lupain ng firing range at golf course. Nasa mahigit 100 pamilya ang mapapalayas sa lupa. Patuloy ding binabakuran ng kapitolyo at tinatakot ng Provincial Security Unit ang mga magsasaka kaya hindi na sila makapagsaka.
Ayon sa mga magsasaka, inagaw na ang kanilang lupa kahit wala pa silang natatanggap na kumpensasyon at walang pang relocation site. Nasa ₱25,000 lamang ang iniaalok na kumpensasyon sa kanila. Inaalok din ng lokal na gubyerno na bilhin ang kanilang mga lupa sa halagang ₱22 kada metriko kwadrado lamang. Taliwas ito sa itinakda ng korte na dapat silang bayaran ng ₱567 kada metriko kwadrado. Ang malala, kabilang sa planong gigibain ay mga sementadong bahay na ilang dekadang ipinundar mula sa pagtatrabaho bilang migranteng manggagawa na umuwi na sa bansa.
Sinabay din sa Ka-ogma Festival ang pagbubukas ng Balikatan-Salaknib-Kasangga sa Camarines Sur noong Mayo 25 upang itago sa publiko ang pagsasabotahe sa soberanya ng Pilipinas. Hindi isinaalang-alang ni Villafuerte ang seguridad ng mamamayan ng Camarines Sur at ng rehiyong Bicol. Ginagawa niyang kolateral ang prubinsya habang ang mga magsasaka ay nangangamba para sa kanilang buhay at kabuhayan, ayon sa mga grupo.
“Para sa mga paraoma, hindi KA-OGMA ang festival kundi KA-UYAM festival dahil habang ang mga namumuno sa Camarines ay nagkakatuwaang nagsasayaw sa entablado, sa kabilang banda naman ay lumuluha ang mga magsasaka sa init ng araw at naghihinagpis sa kanilang dinaranas—ang kawalan ng lupang sinasaka at paninirahan ng mga residente,” paliwanag ng mga grupo.
“Hindi simpleng usapin ang pista o turismo ng Ka-ogma Festival, ang usapin ay kung paano ginagamit ang pondo ng bayan at kung ang mga gastusin ng lokal na pamahalaan ay tumutugon sa kagyat na pinakamahahalagang pangangailangan ng mamamayan,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Camarines Su at Damayan nin Paraoma (DAMPA) Camarines Sur.
Ayon sa mga grupo, ang kaban ng bayan ay hindi dapat gamitin para sa pagpapabango ng mga pulitiko at pagpapalakas ng kanilang makinarya sa pulitika. Ito ay dapat nakalaan para sa kapakanan ng mamamayang siyang tunay na pinagmumulan ng yaman ng lalawigan. Sa panahon ng kahirapan, ang kailangan ng mamamayan ay serbisyong panlipunan at makabuluhang programa hindi magagarbong palabas na pantabing lamang sa tunay na kalagayan ng lalawigan.
“Ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay hindi ang dami ng fireworks, laki ng entablado, o bilang ng mga artistang dinala sa isang pagdiriwang. Ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay kung may sapat na pagkain sa hapag ng bawat pamilya, kung may disenteng trabaho ang mga manggagawa, kung may seguridad sa lupa ang mga magsasaka, at kung may maaasahang serbisyong panlipunan ang mamamayan,” paliwanag ng Bayan at DAMPA Camarines Sur.
____
Sa wikang Bicolano, ang “ka-uyam” ay nangangahulugan nakakainis, habang ang “ka-ogma” ay kasiyahan.
The post Magastos na “Ka-ogma Festival” sa Camarines Sur, pantabing sa pang-aagaw ng lupa at kahirapan sa prubinsya appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

