YNagprotesta ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa kampus sa Maynila noong Mayo 28 at 29 para kundenahin ang tumitinding panunupil, panggigipit at Red-tagging sa loob ng unibersidad. Tatlong estudyante ng UST ang pinadalhan ng “notice to explain” ng Student Welfare and Development Committee ng UST Faculty of Arts and Letters noong Mayo 20 kaugnay ng kanilang aktibismo.
Ang pagpapatawag ay batay sa kasong isinampa ng utak-militar at sunud-sunuran sa National Task Force (NTF)-Elcac na guro ng UST na si Marlon Villarin, MPA. Nagsampa ng 50-pahinang reklamo si Villarin laban sa mga aktibistang sina Raven Racelis, Ray Manuel, at Kerby Calizar na nagparatang na lumabag sila sa mga patakaran ng unibersidad. Myembro ang tatlo ng Kabataan Party-list (KPL) UST Artlets.
Nagmula ang pagsasampa ng reklamo sa militante at matapang na paninindigan ng mga estudyante ng UST laban sa presensya ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at NTF-Elcac sa kampus. Binatikos at kinumpronta ng mga estudyante, sa partikular ni Racelis, ang mga tauhan ng NTF-Elcac sa porum na “Preventing Terror Grooming: The Philippine Experience” ng NTF-Elcac noong Nobyembre 2025, at eksibit ng Philippine Airforce sa kampus at pahayag ni Department of National Defense Sec. Gibo Teodoro noong Abril.
Ayon sa mga progresibong grupo sa UST, alabag sa akademikong kalayaan at salamin ng sistematikong panunupil sa kampus ang panibagong mga atake. Naninidigan sila na walang mali sa paggamit sa intelektwal na kaalaman para sa pagtataguyod ng interes ng mamamayan.
Ayon kay Manuel, tagapangulo ng KPL UST Artlets, simple lang naman ang katanungan sa administrasyon ng UST: “bakit napakadali para sa mga pwersa ng estado na magsagawa ng aktibidad sa kampus, habang ang mga estudyante ay pinipigilan ng napakaraming proseso ng burukrasya at hindi patas na mga patakaran.” Aniya, malinaw na walang sapat na demokratikong espasyo sa loob ng kampus kung ang simpleng pag-aaral sa lipunan ay hindi nila magawa-gawa nang hindi pinipigilan at pinapalayas.
Hindi natinag ang mga estudyante sa kinahaharap na reklamo. “Professor ka man or maging National Defense Secretary ka pa, hindi ako uurong sa takot. Gamitin niyo man lahat ng kapangyarihan at koneksyon niyo, alam naming nasa tama kami, at tuloy-tuloy kaming maninindigan,” pahayag ni Racelis.
Dagdag niya, itinutulak lamang ng mga pagtatangkang patahimikin sila na hanapin ng mga estudyante ang sarili nilang boses. “Pinatunayan naming nagsasalita kami para sa tunay na pagbabago. At sa bawat pagtatangkang supilin ito, mas lalong luminaw kung sino ang naninindigan para sa katarungan at sino ang kumakapit sa isang sistemang ayaw magbago,” dagdag ni Racelis.
Isinusulong ng KPL UST Artlets at mga progresibong grupo sa kolehiyo ang limang puntong kahingian. Panawagan nitong: 1. putulin ang lahat ng ugnayan ng UST sa NTF-Elcac at iba pang pasistang institusyon; 2. magna carta ng mga estudyante sa kolehiyo; 3. rebisyon sa student handbook; 4. patalsikin ang instruktor na si Villarin at panagutin ang Red-tagging; at 5. ibasura ang lahat ng kontra-estudyanteng reklamo laban sa tatlong aktibista.
Nagpahayag ng suporta sa mga myembro nito ang pambansang upisina ng Kabataan Partylist. Kinundena nito ang paggamit sa mga patakaran ng unibersidad para supilin at patahimikin ang mga estudyante. Ayon sa partido, ang pagsasakatuparan ng kabataan sa kanilang tungkulin bilang pag-asa ng bayan ay nangangailanan ng kanilang kritikal na pagsusuri sa lipunang Pilipino, at pakikibaka para sa hustisya, pananagutan, at tunay na demokrasya.
The post Mga estudyante ng UST, nagprotesta kontra panunupil at Red-tagging sa loob ng kampus appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

