Mariing kinundena ng iba’t ibang organisasyon ng kabataan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao ang mapanganib na “Active Wanted Persons” poster na inilabas ng Cateel Municipal Police Station sa Davao Oriental noong Mayo 27. Ayon sa mga grupo, ang naturang social media post ay isang malisyosong anyo ng Red-tagging na direktang naglalagay sa panganib sa buhay ng pinangalanang mga kabataan.
Humigit-kumulang 14 na indibidwal ang inilagay ng PNP Cateel sa poster. Kabilang dito sina Cobbie Jan Canda, tagapangulo ng Kabataan Partylist-Southern Mindanao (KPL-SMR); Harvey Lao, pangalawang pangulo ng KPL para sa Mindanao; Jayvie Cabajes, KPL 5th Nominee; at Emmanuel Pamaylaon ng UP Mindanao. Kasama rin sa poster sina Lara Felescoso, tagapangulo ng UP Mindanao University Student Council; Genesis Catalan ng Anakbayan; at Fauzhea Guiani, tagapagsalita ng Anakbayan-SMR. Tinanggal na ng pulis ang naturang “wanted list.”
Sa isang pahayag, binatikos ni Canda ang ginawa ng pulis ng Cateel. Aniya, binigyang daan ng paglalabas ng wanted list ang mga atake at harassment ng mga troll na mga sundalo at bayarang propagandista ng estado sa mga biktima. Ang ipinalaganap nitong disimpormasyon ay labis na nakaapekto sa kanilang kalusugan sa isip at seguridad ng kanilang mga pamilya. Ayon naman kay Rauf Sissay ng BAYAN-SMR, ang paglalabas ng listahan ay paraan para takutin at patahimikin ang mga kabataan.
Hindi kapani-paniwala ang palusot ni Police Major Michael Celecio, hepe ng Cateel PNP, na nagsabing “error” o nagkamali lamang ang pag-post. Ayon sa Gabriela Youth, hindi mabubura ng pag-alis ng naturang post ang nilikha nitong panganib at pinsala sa reputasyon at dignidad ng mga biktima. Naniniwala ang mga grupo na ang insidente ay bahagi ng sistematikong kampanya ng National Task Force-Elcac na gawing kriminal ang lehitimong paglaban.
Naganap ang insidente sa gitna ng serye ng Red-tagging sa rehiyon, kabilang ang online harassment sa mga estudyante ng UP Mindanao noong Mayo 21-25 sa pamamagitan ng Facebook page na “Red Watch Community”. Ganito rin ang naging takbo ng kaso ni Jay Apiag ng Karapatan-SMR na dumanas ng sarbeylans matapos ilagay sa mga katulad na poster noong 2024. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso at inaresto noon ding 2024.
Sa harap nito, balak ng KPL-SMR at Karapatan na magsampa ng pormal na reklamo sa Commission on Human Rights para panagutin ang Cateel PNP. Hiling nila ang isang malalimang imbestigasyon upang matiyak ang katarungan at matigil ang kultura ng panggigipit sa mga aktibista sa Mindanao.
The post Mapanganib na ‘wanted list’ ng PNP sa Davao Oriental, kinundena ng mga kabataan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

