Muling naglunsad ng pagkilos ang mga superbisor ng kumpanya sa telekomunikasyon na PLDT para itulak ang makabuluhang mga prubisyon para sa collective bargaining agreement (CBA) ngayong 2026-2028. Naglunsad ang Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS-PLDT) ng tinatawag na “Jericho Walk” noong Mayo 29, dalawang linggo matapos ang katulad na pagkilos noong Mayo 15.

Inilunsad ang mayor na pagkilos sa hedkwarters ng PLDT sa Central Business District ng Makati City. Nagkaroon din ng mga protesta sa iba pang upisina ng PLDT sa buong bansa. Nagsuot ng pulang t-shirt ang lahat ng mga dumalo sa protesta.

Ang pagkilos ay itinaon nila sa isinagawang negosasyon ng unyon at maneydsment ng kumpanya para sa CBA sa araw na iyon. Nakasentro ang negosasyon sa mga usapin para sa dagdag sahod, pinaunlad na mga karapatan sa paggawa, at mas malakas na proteksyon laban sa tanggalan at iba pang iskema ng pagbabawas. Noon pang Nobyembre 2025 nagsimula ang sadyang pinatatagal at inaantalang CBA.

Itinutulak ng unyon ang makabuluhang dagdag-sahod na 25% o ₱18,000, alinman ang mas mataas, para sa una at ikalawang taon, at 25% o ₱17,000, alinman ang mas mataas, para sa ikatlong taon. Panawagan din nila ang mas malawak na pondo para sa hospitalisasyon para sa mga dependent at ang pagpapatupad ng union shop clause upang matiyak ang proteksyon ng mga na-promote na empleyado.

Ayon sa unyon, ang hiling nilang dagdag-sahod ay katumbas lang ng halos 12% ng abereyds na kabuuang kita ng PLDT bawat taon. Noong 2024, naitala ng PLDT Inc ang netong kita na ₱32.31 bilyon, na 21% mas malaki kumpara sa 2023 (₱26.61). Sa unang tatlong kwarto ng 2025, umabot naman sa ₱25.1 bilyon ang iniulat na kinita ng kumpanya.

Ang PLDT ay pag-aari ng burgesyang kumprador na si Manny V. Pangilinan. Tumatayo siyang tagapangulo, pangulo at chief executive officer ng kumpanya. Ito ang pinakamatanda at pinakamalaking kumpanya sa telekomunikasyon sa Pilipinas na may mga serbisyong fixed-line telecommunications, mobile telephony, broadband at internet of things sa ilalim ng iba’t ibang brand kabilang ang PLDT Home, PLDT Business, PLDT Enterprise, Smart Communications at TNT. Mayroon ding mga subsidyaryo at affiliate sa ibang industriya ang PLDT tulad ng Maya (digital banking) at VITRO Inc. (data center).

Ayon sa unyon, kung patuloy na magmamatigas ang PLDT ay handang maglunsad ng welga ang mga superbisor. Ang GUTS-PLDT, na may kabuuang myembro na 3,962, ay isa sa pinakamalaking unyon sa industriya ng telekomunikasyon.

The post Unyon ng mga superbisor ng PLDT, muling nagprotesta para sa CBA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.