Binatikos ng mga grupo ng mangingisda ang ipinataw na dalawang araw na ‘no sail zone’ sa karagatan ng Zambales, malapit sa Panatag (Scarborough) Shoal sa West Philippine Sea, para magbigay-daan sa Bilateral Maritime Cooperative Activity (BMCA) war games ng Pilipinas at US noong Mayo 28 hanggang Mayo 30. Ayon sa mga mangingisda, malaking perwisyo ito sa kanilang kabuhayan laluna at kumahaharap sila sa napakataas na presyo ng langis. Noong Abril, nagkaroon din ng katulad na no sail policy dito para naman bigyan-daan ang Balikatan 2026.

Saklaw ng pagbabawal na mangisda ang mga bayan ng Sta. Cruz, Palauig, Candelaria, Masinloc, Iba, San Antonio, Botolan, Cabangan, San Felipe, San Narciso, at Subic. Nagpahayag laban sa no sail zone at magiging epekto ng war games sa karagatan at yamang tubig ang New Masinloc Fishermen Association (NMFA), Zambales Provincial Fisherfolk Organization (ZPFO) at ang progresibong grupo ng maliliit na mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Ayon kay Leonardo Cuaresma, pangulo ng NFMA at ikalawang pangulo ng ZPFO, sa tuwing mayroong ipinapataw na pagbabawal sa pangingisda ay hindi nila alam kung saan sila babaling dahil wala silang ibang mapagkakakitaan. Dagdag pa niya, lagas sa panahon ng pagbabawal ay ang matagalang epekto ng war games dahil natataboy nito ang mga isda at nasisira ang mga koral.

Pinaiinit rin ng mga war games na ito ang tensyon sa Asia-Pacific na naghahatid ng kapahamakan sa mga Pilipino ayon sa Pamalakaya. “Katunayan ay magdudulot pa nga ang mga naturang aktibidad ng higit pang tensyon sa ating teritoryal na pangisdaan, kung saan mga mangingisda rin ang maiipit,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng grupo.

Ngayong taon, ito na ang ikalawang no sail zone na ipinataw sa prubinsya para sa mga war games. Noong April 20 hanggang Mayo 8, nagpataw din ng katulad na pagbabawal ang pambansa at lokal na gubyerno para sa Balikatan 2026 war games. Tinatayang 4,840 mangingisda mula sa Subic ang naperwisyo ng pagbabawal.

“Paano nagagawang isakripisyo ng administrasyong Marcos ang karapatan sa pangingisda ng mga Pilipino sa dambana ng adyenda sa heyopulitiko ng US? Sa panahong ito ng kagipitan, ang huling bagay na kailangan ng mga mangingisdang Pilipino ay ang mga dayuhang tropa na nagsasagawa ng mga amphibious landing exercise sa ating mga pangisdaan at mga komunidad sa baybayin,” ayon pa kay Hicap.

The post ‘No sail zone’ sa Zambales dahil sa war games ng US at Pilipinas, binatikos ng mga mangingisda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.