Natulak ng malakas na opinyong publiko at protesta ng mamamayan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at San Miguel Corporation (SMC) ng burgesyang kumprador na si Ramon Ang na isuspinde ang maramihang pagputol ng nalalabing mga puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila. Nagprotesta ang mga grupong maka-kalikasan sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) noong Mayo 26 para ipahinto ang pagpuputol ng mga puno.
Ang pagpuputol ay kaugnay ng pagtatayo ng SMC ng Southern Access Link Expressway (SALEX). Hindi bababa sa 617 mga puno sa Quirino Avenue ang maaapektuhan ng naturang proyekto. Bago naipasuspinde, mahigit 200 nang matatandang puno ang pinutol ng SMC at DENR.
Ayon sa Kalikasan, ang suspensyon ay malinaw na bunga ng sama-samang pagkilos at pagbatikos ng mamamayan. Gayunman, ipinahayag ng grupo na dapat managot ang DENR sa pagbibigay ng permit sa SMC na putulin ang mga puno. “Bakit ngayon lang? Bakit kailan mahigit 200 puno na ang naputol saka lamang ito sinuspinde at nire-review?” pagtatanong ni Cathleen de Guzman ng Kalikasan.
Dagdag ni de Guzman, “ipinapakita nito na walang sapat na pagsusuri at pananagutan sa simula pa lamang.” Dapat umanong papanagutin ang ahensya dahil sa simula pa lamang ay hindi na pinahintulutan ang proyekto. “Dapat managot at patuloy na singilin ang DENR. Hindi dapat nagsisilbing rubber stamp ang ahensya para sa mga proyektong pinapaboran ang malalaking korporasyon kapalit ng kalikasan at kapakanan ng mamamayan,” pahayag pa niya.
Ayon pa sa grupo, hindi nahihiwalay na insidente ang maramihang pagpuputol ng mga puno sa Maynila dahil ang administrasyong Marcos mismo ang punong arkitekto ng malawakan at maka-negosyong mga proyektong imprastruktura na nagpapabilis sa pagwasak sa kalikasan. Sangkot rin ang SMC sa pagputol sa hindi bababa sa 8,766 puno para sa pagpapalawak ng South Luzon Express Way sa Laguna, pagputol ng mga bakawan at puno sa tabing baybay para sa New Manila International Airport (NMIA) at kagunay na mga aerotropolis at daanan sa Bulacan.
Para sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang pagmasaker sa mga puno sa Maynila ay malinaw na sintomas ng malawak na korapsyon sa burukrasya at ang mapaminsalang paggamit ng mga batas at ligal na proseso. Ayon sa grupo, sa tabing ng ligalidad ay binibigyang-daan ang sistematikong pagnanakaw ng pondo ng bayan at ang pag-apruba sa mga mapanirang proyekto.
“Ipinakikita ang walang kahihiyang pagsasabwatan ng mga korap na burukrata at malalaking negosyo sa pagpirma ng mga mapanirang kontrata at sa pagpapatupad ng mga dambuhalang proyekto na nagdudulot ng malawakang pinsala at pagpapalayas sa mga komunidad at kalikasan,” pahayag ng grupo. Idiniin ng Bayan na ang SMC ang parehong kumpanyang nasa likod ng mga kroni na kasunduan sa gubyerno kabilang ang reklamasyon sa Manila Bay, pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport, at ekspansyon ng pagmimina ng coal sa South Cotabato.
Ayon sa Bayan, ang galit ng publiko laban sa malawakang pagputol sa mga puno sa Maynila ay hindi lamang sumasalamin sa pagtutol sa pagsira sa kalikasan, kundi pati na rin sa bulok na sistemang pampulitika na nagpapahintulot sa mga korap na upisyal na gamitin ang kanilang pusisyon upang magkamal ng nakaw na yaman sa pamamagitan ng pagpapalaki ng tubo ng kanilang patron at iba pang pansariling interes. “Ito ay isa pang malinaw na pagpapakita ng mga krisis na idinudulot ng burukrata kapitalismo,” anito.
The post Pagpuputol ng mga puno ng DENR at ng San Miguel Corporation sa Maynila, naipasuspinde appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

