Mahigit 300 manggagawa ng LBC Express MM, Inc sa Metro Manila ang nagtipon sa isinawaga nitong pangkalahatang pulong ng unyon noong Mayo 31. Pinagtibay sa pulong ang pagkakaisa ng mga manggagawa para sa papalaking mga pagkilos sa susunod na mga araw at linggo para isulong ang makabuluhang collective bargaining agreement (CBA).

Sa mga pahayag na inilabas ng unyon sa Facebook na Elbisi-Ang Hari ng Pagbarat, walang pag-usad at makabuluhang tugon ang maneydsment ng LBC Express sa nakalipas na mga negosasyon para sa CBA. Nag-aalok lamang ang kumpanya ng hanggang ₱32 dagdag sahod kada araw sa susunod na tatlong taon. Magbibigay umano ito ng karagadagang ₱14 sa unang taon, ₱10 sa ikalawang taon, at ₱8 sa ikatlong taon.

Noong Setyembre 2025, unang nanawagan ang unyon ng ₱100 kada araw na dagdag sahod sa susunod na tatlong taon. Sa naging takbo ng mga negosasyon, nakipagkompromiso ang unyon at ibinaba ang kahingiang dagdag sahod ngunit nanatiling matigas ang maneydsment.

Labis ang pagkadismaya ng unyon sa maneydsment ng LBC. “Hindi namin ginagawang araw ang gabi sa kakatrabaho para lamang pagkasyahin ang barya-barya,” pahayag nito. Bilang tugon, nagsumite na ang unyon nitong Mayo ng “Notice to Strike” sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Samantala, kinundena rin ng unyon ang pagtatalaga ng LBC ng mga kontraktwal na manggagawa mula sa manpower agencies bilang taktika sa pagwasak ng unyon at pag-iwas sa direktang obligasyon sa mga manggagawa. “Kung sa pamamagitan lang din ng WELGA mapagwawagian ng manggagawa ang makatarungang dagdag sahod, handa kaming lumaban at makipagtunggali para sa trabahong may dignidad,” pahayag ng unyon.

Sa naging pangkalahatang pulong ng mga manggagawa, pinagkaisahan ng unyon na hindi maaaring tumigil, tumahimik, o tumanggap na lamang ang manggagawa ng barya-baryang umento. “Sa halip, lalong mahalagang tumindig, lumaban, at magkaisa, dahil sa sama-samang pagkilos, napapanalo ang laban ng manggagawa!” anito.

Ang LBC Express MM, Inc. ay pag-aari ng LBC Express Holdings Inc na may kabuuang kita ng mahigit ₱14 bilyon noong 2025. Pag-aari ng LBC Development Corporation ng Ayala Corporation ang LBC Express Holdings Inc. Ang mga manggagawa ng kumpanya ay binubuo ng mga truck driver, warehouse sorter, admin clerks, at iba pang manggagawa sa lohistika ng LBC.

The post Mga manggagawa ng LBC Express Metro Manila, naghahanda para sa mas malalaking pagkilos para sa CBA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.