Naipabasura ng mga abugado ng tinaguriang CERNET 27 ang kasong “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (Anti-Terror Financing Law) na isinampa sa kanila ng estado, tatlong taon na ang nakararaan. Sa isang desisyon na may petsang Mayo 15, kinatigan ng korte sa Cebu City ang Motion to Dismiss na inihain ng mga abugado ng mga biktima.
Ang CERNET 27 ay binubuo ng mga dati at kasalukuyang lider at istap ng Community Empowerment Resource Network (CERNET) Inc at mga aktibista na nakabase sa Central Visayas. Kabilang sa kanila ang mga doktor, abugado, isang huwes, pastor, mga taong-simbahan, manggagawang pangkaunlaran at mga aktibista na tumitindig kasama ang mga mahihirap na komunidad.
“Ang pagkakabasura ng kaso ay marka ng isang malaking tagumpay para sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga manggagawang pangkaunlaran, at mga panlipunang sibil na organisasyon na matagal nang dumaranas ng panghaharas, paninirang-puri, at ligal na pag-uusig ng mga pwersa ng estado, partikular na ang NTF-Elcac at ang tinaguriang legal task force nito,” pahayag ni Dr. Oliver Gimenez, tagapangulo ng CERNET Board of Trustees.
Dagdag ni Gimenez, ang desisyong ito ay naglalantad sa mga panganib ng pagkakasangkapan ng mga batas kontra-terorismo laban sa mga lehitimong gawaing makatao at pangkaunlaran. Aniya, sa loob ng maraming taon ay ginagamit ng mga pwersa sa seguridad ng estado ang Anti-Terror Financing Law at mga katulad na patakaran para takutin at patahimikin ang mga tumutuligsa sa gubyerno at tumutulong sa mahihirap.
“Ang pagkakabasura sa kaso ng CERNET 27 ay nagpapatibay sa isang pangunahing prinsipyo: ang paglilingkod sa mga mahihirap at bulnerableng komunidad ay hindi terorismo. Ang gawaing pangkaunlaran, makataong tulong, at pagtataguyod ng karapatang-tao ay hindi kailanman dapat ituring na isang krimen,” pahayag ni Gimenez.
Ang kaso ng CERNET 27
Noong Mayo 2023, nagsampa ng reklamo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Department of Justice (DoJ) kaugnay ng “terrorism financing” laban sa CERNET 27. Unang nabatid ng CERNET ang kaso noong Agosto 2023 nang makatanggap ang upisina nito ng subpoena o pagpapatawag mula sa DoJ.
Ginamit na batayan para sa kaso ang isang “saksi” ng AFP na si Bernabe Nieves, na dating istap ng CERNET. Si Nieves ay matagal nang sinisante dahil sa grave misconduct at mga paglabag sa code of ethics ng organisasyon. Pinalalabas sa salaysay ni Nieves na nagbigay ang CERNET ng ₱135,000 sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southeast Negros sa Dumaguete City noong Setyembre 2012.
Nagdesisyon pabor sa reklamo ng AFP ang Task Force on Counter-Terrorism and Terrorism Financing ng DoJ sa pangununa ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong noong Mayo 8, 2024 at nagsampa ito ng reklamo sa isang lokal na korte sa Cebu. Noong Mayo 13, 2024, naglabas ng mandamyento de aresto ang korte sa Cebu laban sa CERNET 27.
Para sa pansamantalang kalayaan ng mga kinasuhan, nagpyansa noong Mayo 2024 ang 23 sa 27 na mga akusado. Itinakda ng korte ang pyansang ₱200,000 kada indibidwal sa kabila ng rekomendasyon ng DoJ na huwag silang pahintulutang magpyansa.
Dagdag patunay sa kainutilan ng kaso ang pagbasura ng Regional Trial Court-Branch 74 sa Cebu City noong Hunyo 24, 2024 sa “terrorism financing” na isinampa ng DoJ at AFP kina Geraldine Labradores at Msgr. Merlin Logronio, dalawa sa CERNET 27. Parehong patay na ang dalawa nang isinampa ang kaso.
Noong Hulyo 30, 2025, nagsampa ng mga kasong kriminal at administratibo ang CERNET 27 laban sa mga tagalitis ng DoJ sa Office of the Ombudsman-Visayas. Hakbang ito ng mga grupo para panagutin ang mga upisyal ng gubyerno sa kanilang paggamit sa batas para gipitin sila at iba pang progresibo.
Ang ligal na pamantayan
Ang kaso ng CERNET 27 ay tuluyang ibinasura ng korte sa batayang ang mga akusasyon laban sa kanila ay hindi maituturing na krimen. Sa paliwanag na inilabas ng National Union of People’s Lawyers, nabasura ang kaso dahil hindi pa “naitatalagang terorista” ang BHB noong Setyembre 2012 kung kailang sinasabing nangyari ang krimen.
Sa Seksyon 15 ng batas na Anti-Terror Financing Law, kinakailangang maglathala ang Department of Foreign Affairs ng listahan ng mga “nakatalagang personahe” bago ito maging ligal sa Pilipinas. Walang publikasyon nito noong Setyembre 2012.
Nagkaroon lamang ng nakalathalang listahan ng mga “nakatalagang terorista” noong Disyemre 5, 2017 sa bisa ng Proclamation No. 374 ni Rodrido Duterte at noong Disyembre 2020 sa resolusyon ng Anti-Terrorism Council.
“Gayunpaman, gusto naming sabihin na ang pagsalalay ng prosekusyon sa mga naunang pagtatalaga ng dayuhang bansa upang punan ang nawawalang elemento ay hindi mapaninindigan sa ilalim ng konstitusyon sa isa pang kadahilanan,” pahayag ng NUPL. Sa isang desisyon ng Korte Suprema, hindi rin pinahihintulutan sa konstitusyn ang awtomatikong pagtatalang terorista sa batayang itinalaga rin itong terorista ng dayuhang mga bansa o institusyon.
“Kung walang opisyal na paglalathala, walang ligal na umiiral na ‘sitinatalagang tao o organisasyon’ na magsisilbing batayan para sa sakdal sa ilalim ng [batas],” pahayag ng NUPL. Pagdidiin ng grupo, ang isa sa mga mahahalagang elemento ng krimen ay wala na simula pa lamang. “Ang kasong ito ay hindi kailanman dapat isinampa,” anito.
Sa isang pagtitipon noong Mayo 29, pinasalamatan ng CERNET 27 ang kanilang mga abugado na tumulong at tumuwang sa kanila sa loob ng tatlong taon ng ligal na laban. Kabilang sa kanila ang ma abugadong myembro ng NUPL. Binigyan nila ng parangal at plake ang kanilang mga abugado.
Ibinahagi ng CERNET 27 at kanilang mga abugado na nagpaplano silang magsampa ng naaangkop na mga kasong kriminal, administratibo at sibil laban sa mga indibidwal at ahensya ng gubyerno na responsable sa maling prosekusyon at pang-uusig sa kanila.
The post Kasong “terrorism financing” laban sa CERNET 27, naipabasura appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

