Natulak ng nakakaisang boses at protesta ng mamamayan ang lokal na gubyerno ng Barangay España sa San Fernando, Sibuyan Island, Romblon na bumoto para huwag i-endorso ang Altai Mining Project. Mahigit 500 residente ng barangay at katabing mga komunidad ang nagprotesta noong Mayo 25 kasabay ng sesyon ng Sangguniang Barangay para bumoto.
Sa botong 5 tutol at 4 pabor sa pag-eendorso ng konseho, hindi nakalusot ang proyekto. Ang Mining Project Feasibility and Operations sa bayan ay pangangasiwaan ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) ng pamilyang Gatchalian.
Ang pag-usad ng operasyon ng APMC ay pinahihintulutan ng kontratang Mineral Production Sharing Agreement No. 304-2009-IVB na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2009. Target ng operasyong mina ang 1,580 ektaryang lupain sa bayan ng San Fernando.
Noong 2011, dahil sa masigasig na pakikibaka ng mamamayan ay napatigil ang operasyon ng APMC sa bisa ng cease and desist order (CDO). Sa ilalim ng rehimeng Duterte, binawi ang CDO sa APMC at nakapagpatuloy ng operasyon. Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB)-MIMAROPA, ang pambansang upisina ng MGB sa ilalim ng rehimeng Marcos ang nagbigay ng permit sa APMC noong Disyembre 29, 2022 na magmina ng 50,000 wet metric ton ng nickle ore.
Nagbarikada sila noong Enero 2023 sa loob ng 11 araw para pigilan ang paglalabas ng kumpanya ng nickel ore na namina nito. Nanindigan ang mga residente na iligal ang operasyon at natulak ang DENR na maglabas ng Cease and Desist Order laban sa kumpanya. Noong Mayo 4, 2025 ay nagsampa ng petisyon sa DENR ang mga lider ng komunidad na kanselahin ang MPSA ng APMC.
Pinanghahawakan ng mga residente bilang tagumpay ang pagtanggi ng lokal na barangay na i-endorso ang operasyon sa mina. Ang pag-eendoros ng barangay ay isa sa mga kinakailangang dokumento sa proseso ng mga aplikasyon at operasyon kaugnay ng pagmimina sa isang lugar.
Tuluy-tuloy ang paglaban ng mga residente para ipagtanggol ang buong Sibuyan. Lubhang mapipinsala ng mga operasyong mina ang buhay at kabuhayan ng mahigit 62,000 na populasyon kung saan karamihan ay magsasaka at mangingisda. Malaking bahagi ng kanilang kabuhayan ang nakaasa sa mga rekurso sa gubat at ilog.
Matatagpuan sa isla ang mga kakaibang hayop at halaman kung saan tampok ang mga endemiko at nanganganib nang maubos na species kagaya ng Philippine hanging parrot, kulasisi at tube-nosed fruit bat. Makapal ang gubat na may 1,551 puno kada ektarya. May apat ding protected area sa isla: ang Mt. Guiting-Guiting National Park, isang marine protected area, isang bakawanan na swamp forest reserve, at ang lupang ninuno ng minoryang grupong Sibuyan Mangyan Tagabukid. Ang Sibuyan Island ay binabansagang “Galapagos of Asia.”
The post Barangay sa Romblon, tumangging i-endorso ang Altai Mining Project appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

