Nagprotesta ang mga grupo ng mangingisda sa harap ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City noong Mayo 28. Binatikos nila ang higit na mabilis na paglawak at pagdami ng mga operasyon ng komersyal na pangingisda sa 15-kilometrong municipal waters sa bansa.
Sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), isinagawa ang pagkilos ilang araw bago ang paggunita sa National Fisherfolk’s Day sa Mayo 31. Nakiisa sa pagkilos ang mga kinatawan ng mga samahang mangingisda mula sa Cebu, Negros Occidental, Panay Island, Batangas, at La Union.
Kinundena nila si DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr sa kabiguang kwestyunin ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa komersyal na pangingisda sa municipal waters. Inilabas ng korte ang naturang desisyon noong Disyembre 2024. Binalewala ng desisyon ang nakasaad sa mismong Philippine Fisheries Code na nagtatalaga sa 15-km municipal water bilang eksklusibo sa maliitang pangingisda.
Dati nang naninindigan ang mga mangingisda kontra dito dahil pipinsalain nito ang kabuhayan ng nasa dalawang milyong mamamalakaya. Tinanggalan nito ng eksklusibong karapatan ang maliliit mangingisda na mamalakaya sa katubigan.
Sa datos ng Karagatan Patrol, naitala ang 3,853 na bilang ng komersyal na sasakyang pandagat ang nanghimasok sa municipal waters noong Marso 2026. Ito ang pinakamataas na naitala sa loob ng isang buwan sa huling limang taon.
“Higit na lumaganap ang operasyon ng mga commercial fishing sa municipal waters dalawang taon matapos ang desisyon ng Korte kaugnay sa pangangasiwa rito,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. Dagdag niya, nagdulot ito ng malubhang epekto sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda dahil mabilis na sinasaid ng mga malalaking bangkang pangisda ang isda at iba pang rekurso sa pangisdaan.
Sa ulat na nakuha ng Pamalakaya, mayroong mga kaso na umaabot na sa lima hanggang pitong kilometro mula sa baybayin ang operasyon ng mga komersyal na pangingisda. “Sa kabila nito ay walang konkretong aksyon ang DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para protektahan ang kabuhayan ng mga mangingisda mula sa malalaking negosyo,” ayon kay Hicap.
National Fisherfolk Summit
Isang araw bago ang pagkilos, nagsagawa ng National Fisherfolk Summit ang Pamalakaya sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City. Nakiisa sa aktibidad ang mga myembro at balangay ng Pamalakaya mula sa Cebu, Panay, Negros, Bicol, Batangas, Cavite, Rizal, at Navotas City.
Nagbahagi ang mga lokal na balangay ng Pamalakaya ng partikular na mga kalagayan ng sektor sa kani-kanilang prubinsya at rehiyon. Binigyang diin sa mga karanasan ang epekto ng reklamasyon at kumbersyon sa pangisdaan, at ang militarisasyon sa mga komunidad ng organisadong mga mangingisda.
Dumalo rin sa pagtitipon ang Anakdagat-Kabataang Mandaragat at ang Babae, Abante para sa Karapatan sa Karagatan (Bangka). Nagbigay ng pag-aaral sa pagtitipon si Raymond Palatino, ang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), alyansang kinabibilangan ng Pamalakaya.
Tinalakay rin ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang House Bill 5606 o Atin ang Kinse Bill na inihain ng mga kinatawan ng Makabayan bloc sa Kongreso noong Mayo 25. Layunin ng panukala na bigyan ng eksklusibong karapatan sa pangingisda ang masang manginisda sa municipal waters. Ipinaliwanag rin ni Elago ang iba pang mga panukala at resolusyon ng Makabayan para ipagtanggol ang karapatan at kagalingang ng masang mangingisda.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagkaisa ang mga mangingisda na isusulong ang Manipesto ng Pagkakaisa para sa Eksklusibong Karapatan sa 15-Kilometrong Municipal Waters. Magsisilbi itong kolektibon deklarasyon ng masang mangingisda para sa kanilang mga karapatan, kabuhayan at kagalingan.
The post Mabilis na paglawak ng komersyal na pangingisda sa municipal waters, kinundena ng masang mangingisda appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

