fBinatikos ng mga manggagawa mula sa Southern Tagalog ang ipinagyabang ni Ferdinand Marcos Jr. na pangakong pamumuhunan ng mga kumpanyang Japanese sa Pilipinas na anila’y hindi maghahatid ng tunay na kaunlaran sa bansa.

Nasa Japan si Marcos para sa 4-araw na upisyal na bisita. Noong Mayo 28, ibinida niya ang diumano’y pagpasok ng apat na malaking kumpanya na mamumuhunan ng ₱56.3 bilyon. Lilikha diumano ito ng 10,000 trabaho sa sektor ng konstruksyon, pagmamanupaktura, at pangingisda. Dalawa rito—ang Furukawa Electric Co. Ltd. at Sumitomo Electric Industries, Ltd.—ay dati nang may operasyon sa Cabuyao, Laguna.

Pero ayon sa Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik)-Kilusang Mayo Uno, dekada 1950 pa namumuhunan ang mga kumpanyang Japanese sa Pilipinas. Wala pang dekada ito matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan brutal na inokupa ng imperyalistang Japan ang bansa, minasaker ang mga Pilipino, at ginahasa ang kababaihan.

“Ang ipinagyayabang ni Marcos ay nagdadala raw ng kaunlaran ang dayuhang investment, pero nasaan na ang kaunlaran?” bwelta ng grupo sa isang pahayag. Hindi umunlad at hindi uunlad ang Pilipinas dahil hindi ibinabahagi ng mga kumpanyang Japanese ang kanilang kasanayan at teknolohiya sa mga Pilipino, anito.

“Ang mga pabrika (ng Japan) rito ay para lang sa maliliit na pyesa tapos ire-export natin pabalik sa Japan. Doon bubuuin tapos ibebenta sa atin ang mga kotse at motor ng Toyota at Honda, o aircon ng Fujitsu at Hitachi nang mas mahal,” anito. “Ang kita nila sa mga kumpanya rito ay hindi pa rito mamumuhunan pabalik, kundi iuuwi nila sa bansa nila para ilaan sa kanilang mga mother company.”

Ayon sa grupo, ang mga trabahong nalikha ng mga kumpanyang Japanese ay “hindi sapat at barat pa magpasahod.”

“Ang laki-laki ng nililikhang yaman ng mga manggagawa sa mga Japanese company rito sa Southern Tagalog gaya ng Fuji Electric, Daiwa Seiko, Technol Eight, at iba pa, pero wala pa sa kalingkingan ang ibinibigay sa mga manggagawa,” pagtatapos ng grupo.

The post Pamumuhunang Japanese, ibayong pagsasamantala sa manggagawang Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.