Inilunsad ng iba’t ibang pambansang demokratikong organisasyon at samahan sa Maynila ang paradang “Poorest de Mayo” noong Mayo 23, isang malikhaing pagsasalarawan sa kahirapan na dinaranas ng mga mamamayan sa syudad at sa bansa. Ang parada ay panggagaya sa magarbong pyesta ng “Flores de Mayo” na karaniwang isinasagawa sa bansa bilang pagkilala sa Birheng Maria ng simbahang Katolika.

Sa protesta, sa halip na mga nagkikintabang mga damit, suot ng mga “reyna” sa prusisyon ang gawa sa mga recycled na materyales na nagpapakita ng kani-kanilang lokal na pakikibaka at sektoral na mga panawagan. Bawat arko ay sumisimbolo sa mga isyu at daing ng maralitang Manilenyo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos tulad ng kawalan ng kabuhayan, barat na sahod, malawakang demolisyon ng komunidad, krisis sa edukasyon, pagkasira sa kalikasan at pagkundena sa nagpapatuloy na gerang agresyon ng US-Israel sa Iran at sa iba pang bansa sa Middle East.

Itinampok din sa pagkilos ang pagtutol ng mga residente ng Maynila sa mapanirang Waste-to-Energy Incinerator Project na itatayo sa Smokey Mountain, Barangay 128 na isinasagawa ng R-II Builder Inc. Ang naturang kumpanya ay nasa likod din ng pagpapatanggal sa mahigit 300 manggagawa sa Manila Harbour Centre.

Tampok din ang isyu ng mga residente ng Barangay 105 hingil sa Open-pit coal stockpile/storage ng Rock Energy International Corporation sa erya. Ayon sa mga residente naglalabas ng mataas na antas ng carbon dioxide at sulfur dioxide ang imbakan na nagdudulot ng polusyon sa hangin at tubig, na siyang nagiging sanhi ng sakit sa baga at balat at nakaapekto sa pamumuhay ng mga residente.

Kinundena ng mg grupo ang naganap na sunog sa Gate 46, Parola, na kumakaharap sa demolisyon upang bigyang daan ang itatayong 2-kilometrong Baseco-Parola Bridge o North-South Harbor Bridge. Nasa 1,292 pamilya sa erya ng Parola at Baseco ang mapalalayas sa lugar.

Ang proyektong North South Harbor Bridge ay pinondohan sa pamamagitang ng pag-utang ng gubyerno ng Pilipinas sa gubyerno ng China sa halagang ₱8.03 bilyon. Binuo ang plano sa ilalim ng Build, Build, Build ng rehimeng US-Duterte.

“Hangga’t ang sistema ay nagsisilbi lamang sa iilan at makapangyarihan, patuloy na babangon at susulong ang kababaihan sa maralitang lungsod upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan at makatarungang pamumuhay,” pahayag ng Gabriela-Manila.

The post Paradang “Poorest de Mayo,” inilunsad ng mga maralitang komunidad sa Maynila appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.