Nagprotesta malapit sa embahada ng Japan sa Roxas Boulevard ang mga progresibong grupo ng kababaihan at sektor ng migrante ngayong araw, Mayo 26. Panawagan nila ang hustisya, pananagutan, at upisyal na pagkilala sa brutalidad ng okupasyon ng Japan sa Pilipinas, partikular ang mga krimen laban sa mga comfort women, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Itinaon ang pagkilos sa mismong pag-alis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr para sa kanyang apat na araw na upisyal na bisita sa gubyerno ng Japan.

Tinutulan din ng mga raliyista ang mga bagong kasunduang militar sa pagitan ng Japan at Pilipinas tulad ng Philippines-Japan Reciprocal Access Agreement (RAA) at Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA). Niratipikahan ng Senado ng Pilipinas ang RAA noong 2025. Pormal namang nilagdaan ang ACSA nina Philippine Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro at Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi noong Enero 15. Binibigyan ng RAA ng ligal na katayuan ng mga tropang Japanese habang nasa Pilipinas, habang ang ACSA ay nagpapahintulot sa Japan na mag-imbak ng armas at iba pang gamit-militar sa bansa.

Mariing tinututulan ng mga pambansa-demokratikong grupo ang mga kasunduang ito, na anila’y tahasang lumalapastangan sa alaala ng lahat ng biktima ng brutal na okupasyong Japanese. Ang pagpayag ng rehimeng Marcos sa mga sundalong Japanese na muling umapak sa lupain ng Pilipinas ay patunay sa pagiging sunud-sunuran nito sa pakanang gera ng US sa Asia, anila. Habang ibinibenta ng rehimen ang soberanya ng bansa sa Japan at US, lalong nalalagay sa panganib ang buhay ng mga Pilipino.

Pangunahing pakay ni Marcos sa Japan ang pagpapahigpit sa alyansang militar sa pagitan ng dalawang bansa. Nakatakda siyang makipagkasundo para sa pagbili ng mga opensibong armas, kabilang ang Type 88 Surface-to-Ship Missile, katulad ng pinalipad sa lupa sa Pilipinas sa katatapos lamang na Balikatan at Salaknib war games. Bukod dito, nakatakda ring bumili ang Pilipinas ng pinaglumaang mga warship ng Japan Maritime Self-Defense Force (MSDF). Para bayaran ang mga bibilhing sandata mula sa Japan, uutang si Marcos ng ¥64.38 bilyon (humigit-kumulang $413 milyong dolyar) mula sa Official Development Assistance (ODA) ng Japan sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project.

Mangungutang rin si Marcos sa Japan para sa Luzon Economic Corridor at iba pang inisyatiba sa ilalim ng Pax Silica. Ang mga proyektong nakapaloob sa mga iskemang ito ay aagaw ng mga rekurso at lupa ng mamamayang Pilipino.

Krisis sa loob ng Japan

Sa loob mismo ng Japan, walang tigil ang mga protesta laban sa gubyerno ni Sanae Takaichi dahil sa militarista nitong mga hakbangin, taliwas sa anti-gerang patakaran na nakasaad sa kanilang Konstitusyon (Article 9). Tinutulan din ng mamamayang Japanese ang ginawang pagbabago ng kanyang gabinete sa “Three Principles on Transfer of Defense Equipment and Technology,” na tradisyunal na batas na nagbabawal sa Japan na magbenta at magluwas ng mga opensibong armas (gaya ng mga misayl at warship) sa mga bansang may aktibong tunggalian tulad ng Pilipinas. Dahil sa mga pagluluwag na ito, ligal nang makapagbebenta ang Japan ng nakamamatay na armas sa Pilipinas.

Itinuturing ng mamamayang Japanese ang mga hakbang na ito bilang hayagang pag-iimbita ng gera.

Sa buong Asia, kilala kapwa si Takaichi at Marcos Jr bilang pinakamasusugid na tagapagtaguyod ng heyopulitikal na agenda ng US sa balangkas ng US Indo-Pacific Strategy. Layunin ng estratehiya na ito na palibutan ang China ng mga base at misayl para “kontrahin” ang paglawak ng impluwensya nito sa Asia Pacific. Ginagamit ng US ang mga multilateral na alyansa—gaya ng trilateral na ugnayan ng US-Japan-Philippines—upang maglunsad ng mga multi-maritime exercises sa South China Sea. Ang mga operasyong nabal na ito ay direktang nanghahamon sa mga barko ng China, gamit ang Pilipinas bilang sentrong lunsaran ng operasyong militar sa rehiyon.

The post Bisita ni Marcos sa Japan, magpapahigpit sa alyansang militar para sa imperyalistang gera appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.