Kinundena ng Center for Women’s Resources (CWR) ang dumaraming kaso ng pang-aabuso sa kababaihan ng mga “men in uniform” o mga elemento ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Ang CWR ay institusyon para sa pananaliksik at pagsasanay sa karapatan ng kababaihan,

Naitala ng grupo ang 40 na kaso ng karahasan laban sa kababaihan na isinagawa ng estado mula 2022 hanggang 2025. Kabilang dito ang kaso ng pisikal na pananakit, pangggagahasa, pambababastos, panghihipo, pang-aabuso sa karelasyon o asawa at pamamaslang sa mga kababaihan at bata.

Noong 2025, halos buwan-buwan ay may nababalitaang kaso ng pang-aabuso ng mga pulis at militar sa kababaihan at bata. Patunay ito na naka-ugat ang kultura ng karahasan at impunidad sa bansa, ayon sa CWR.

Noong unang linggo ng Mayo, tumambad sa balita ang kaso ni Aira Seda de la Cruz na biktima ng pambubugbog ng kanyang asawa na si si Police Officer Alimeri Dela Cruz. Lumaganap sa internet ang CCTV footage kung saan kita ang paulit-ulit na pananakit ng naturang pulis sa kanyang asawa hanggang sa mawalan ito ng malay.

“Sa bawat kasong umaabot sa publiko, napakarami pang iba ang nananatiling nakatago dahil sa takot, pananakot, at pananahimik ng mga institusyon,” paliwanag ni Cham Perez, Executive Director ng CWR.

“Ang mga kasong tulad kay Aira ay hindi iisang pangyayari lamang,” ayon kay Perez. “Ipinapakita nito ang sistematikong problema sa mga institusyon na patuloy na nagpapahintulot ng pang-aabuso sa kanilang hanay habang nabibigong tiyakin ang hustisya para sa mga babaeng biktima.”

Ayon sa upisyal na datos ng gubyerno para sa taong 2025, naitala ang hindi bababa sa 13,211 na kaso ng karahasan laban sa kababaihan. Katumbas nito ang nasa 36 na kababaihan ang nakakaranas ng pang-aabuso kada araw.

“Sa panahong nananatiling laganap ang karahasan laban sa kababaihan, hindi maaaring manatiling kasabwat ang estado sa pamamagitan ng kawalan ng aksyon, higit dito ang pagpapahintulot sa sariling mga tauhan nito na maging salarin ng pang-aabuso at karahasan laban sa kababaihan,” paliwanag ni Perez. “Ang mga pinagkatiwalaang magbigay-proteksiyon sa publiko ay dapat papanagutin sa pinakamataas na antas ng pananagutan.”

“Nakakagalit at nakakaalarma na mismong mga taong inaasahang magpatupad ng batas ang sangkot sa krimen ng pang-aabuso laban sa kababaihan at mga bata. Ang mga pulis na gumagamit ng kanilang kapangyarihan upang manakit ay walang lugar sa serbisyo publiko,” pahayag ni Sarah Elago kinatawan ng Gabriela Women’s Party at House Assistant Minority leader.

Binigyang-diin ni Elago na ang karahasang ginagawa ng “men in uniform” ay lumilikha ng takot sa mga biktima na naghahanap ng hustisya.

“Kapag ang nang-abuso ay may uniporme at armas, mas tumitindi ang takot at hirap ng mga biktima na lumaban para sa hustisya. Hindi dapat manaig ang kultura ng kawalan ng pananagutan sa loob ng institusyon,” dagdag ni Elago.

“Hindi sapat ang restrictive custody o administrative sanctions lamang. Kasong kriminal ang pananakit at pang-aabuso sa asawa sa ilalim ng Anti-VAWC law, kaya kailangang makasuhan ang perpetrator at mabigyan ng karampatang suporta ang mga biktima,” diin ni Elago.

Hinikayat ng Gabriela Women’s Party ang publiko na patuloy na magsalita laban sa karahasan at suportahan ang mga biktima sa kanilang paghahangad ng hustisya sa kabila ng pananakot at mga institusyonal na hadlang.

Hinimok ng CWR ang mga awtoridad na magtatag ng mga mekanismo ng pangangasiwa at pananagutang sibilyan, tiyakin ang walang kinikilingan at malinaw na mga imbestigasyon, at palakasin ang mga sistemang nakatuon sa suporta ng mga biktima. Nanawagan din ang grupo para sa tuluy-tuloy na edukasyon sa gender sensitivity at karapatang-tao sa loob ng mga institusyon ng pulisya at militar, kasabay ng ganap na pagpapatupad ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act at ng Magna Carta of Women.

The post Dumaraming kaso ng pang-aabuso laban sa kababaihan ng mga pulis at sundalo, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.