Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan-Bicol ang tagong pagsasagawa ng US ng mga operasyong militar nito sa iba’t ibang bayan ng Camarines Sur at ang nagpapatuloy na kontra-insurhensyang “war games” kasama ang mga tropang Australian sa ilalim ng “Kasangga 2026-01.”
Katuwang ang 9th ID at mga batalyon nito, ginamit ng mga tropang Amerikano at iba pang dayuhang hukbo ang mga baybayin at bulubunduking bahagi ng Pasacao, Balatan, San Fernando, Libmanan at Ragay. Ayon sa Bayan-Bicol, malinaw na nagpapakita ito ng lalong paglalim ng interbensyong militar ng US at tahasang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas.
Sa ulat ng mga residente ng lugar, nagsimula noong Mayo 17 ang malawakang kilos ng tropa sa mga baybaying komunidad at bulubunduking erya ng Camarines Sur. Sa Barangay Mainit, Pasacao ay napaulat na may presensya na ng mga sundalong Amerikano. Kasalukuyan pang nakatigil ang apat na barkong may dayuhang bandila sa karagatan nito. Malawak at litaw ang operasyon pero hindi ito ipinaalam sa publiko at wala ring inilabas ang midya tungkol dito. Walang pabatid sa tunay na saklaw at epekto ng naturang operasyon.
Mula Barangay Mainit, sinaklaw ng mga dayuhang tropa ang di bababa 28 pang barangay sa prubinsya. Sa kabuuan, tinatayang umabot sa apat na laking-kumpanyang tropa ang nag-operasyon sa saklaw ng lima hanggang anim na bayan sa Camarines Sur. Nakatanggap rin ng mga ulat ang Bayan-Bicol na nagtayo ng mga tsekpoynt ang naturang mga tropa at mahigpit na binantayan ang kilos ng mga residente.
“Ang naturang deployment ay hindi simpleng military exercise kundi isang malawakang okupasyong militar sa mga komunidad ng mangingisda at magsasaka,” ayon sa Bayan-Bicol. “Lubhang nakaaalarma ang ganitong klase ng operasyon dahil hindi lamang nito inilalagay sa panganib ang seguridad at kabuhayan ng mamamayan kundi lalo rin nitong ginagawang target ang mga sibilyang komunidad sa gitna ng tumitinding tensyon militar sa rehiyon.”
Anito, malinaw na ginagamit ng US, kasabwat ang papet na rehimeng Marcos, ang Bicol bilang lunsaran ng estratehikong operasyon militar.
Binatikos din ng grupo ang pagsangkalan ng US ng mga programang humanitarian assistance at disaster response para maglagi sa rehiyon.
“Sa halip na tunay na serbisyong sibilyan at agarang ayuda sa panahon ng kalamidad, ginagamit ang mga aktibidad na ito upang palakasin ang interoperability ng mga tropang Amerikano at Pilipino, magsagawa ng military exercises, at higit pang palawakin ang impluwensya ng dayuhang militar sa mga komunidad,” ayon sa Bayan-Bicol. “Hindi dapat gamitin ang sakuna at kahirapan ng mamamayan bilang propaganda para sa militarisasyon ng Bicol at buong bansa.”
Tinuligsa ng grupo ang paglilihim ng mga operasyon at kawalan ng pabatid sa presensya ng mga tropang Amerikano sa rehiyon. Anito, pagbabalewala ito sa karapatan ng mamamayan sa impormasyon, laluna ang mga direktang apektado ng mga kilos ng US at iba pang dayuhang tropa.
“Hindi dapat gawing larangan ng gera at eksperimentong militar ang mga komunidad ng Camarines Sur,” anito. “Ang mga magsasaka, mangingisda at ordinaryong mamamayan ang pangunahing naaabala at nalalagay sa panganib sa mga operasyong ito.”
Naninindigan ang Bayan-Bicol na ang tunay na seguridad ng mamamayan ay nakabatay sa “pagkakaroon ng seguridad sa kabuhayan, karapatan, at pambansang soberanya hindi sa pagdami ng dayuhang sundalo at barkong militar sa ating mga baybayin.”
Nanawagan ito sa mga Bicolano at mamamayang Pilipino na “maging mapagmatyag at magkaisa laban sa lumalalang militarisasyon at dayuhang pakikialam” sa bansa.
“Dapat igiit ang pananagutan ng pamahalaan at tutulan ang anumang kasunduang nagpapahintulot sa malawakang presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa,” anito.
The post Operasyong militar ng US sa tabing ng Balikatan at Salaknib sa Bicol, tinutulan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

